Rachelle-Ann-Go2

LAKING pasasalamat ni Rachelle Ann Go sa H&M retail-clothing company na nagbukas ng sangay dito sa Pilipinas noong Miyerkules ng gabi dahil nakauwi siya at nakapagbakasyon sa pagganap bilang si Gigi ng Miss Saigon sa West End.

Kuwento ni Ms. Cynthia Roque ng Cornerstone Talent Management, matagal nang gustong umuwi ni Rachelle Ann para makapiling ang pamilya’t mga kaibigan.

“Ipinanalangin niya na sana magkaroon siya ng show dito sa Pilipinas para raw makalibre siya ng pamasahe, ang mahal naman kasi. Eh, heto, biglang tinawagan kami ng H&M for their opening at si Rachelle Ann nga ang gustong maging guest nila. Kaya tuwang-tuwa si Shin (palayaw ni Rachelle) kasi nakalibre siya ng pamasahe.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nang humarap ang dalaga sa pocket interview kahapon sa Bella Ibarra restaurant, agad nagpakuwento ang reporters sa experiences at mga natutuhan niya sa Miss Saigon.

“Ang dami kong natutunan, ‘yun nga nag-mature na rin ako as an artist and as a person. Seven months bilang mag-isa ako roon, ang daming naganap. Wala si Mama sa tabi ko, mahirap talaga, pero ngayon, sobrang nag-eenjoy na ako sa ginagawa ko. Magaling na akong maglinis ng bahay, mag-laundry, kasi ako lang lahat… walang ibang gagawa. Marami na akong alam na luto, kaya sa next presscon, ako na ang magki-cater,“ pabirong sabi ng dalaga.

Kahit pagod na pagod siya pagdating ng bahay ay naglilinis pa rin siya, lalo na kapag day-off daw niya.

“Actually sa bahay lang ako, natutulog… kasi wala ka naman masyadong mapupuntahan doon. ‘Yung mall, tatlo lang ‘tapos kung mamimili lang ganu’n, ‘pag Sunday, church lang kasama ko ang mga beki friends. Actually mas marami akong kaibigang beki. Ang ma-macho nila, pero mga beki, so wala… ganu’n…,” natatawang kuwento ng kababayan nating pinupuri ng mga kritiko ang performance sa Miss Saigon.

“Kabisadung-kabisado ko na ‘yung role ko bilang Gigi, at iniiba ko na ‘yung atake sa pagkanta, iniba ko na ‘yung acting ko, so natuto na akong mag-experiment din,” kuwento pa ni Rachelle.

“Sa rehearsal din namin masyadong daring ‘yung suot ko, hindi ko alam (kung) paanong atake ang gagawin ko, hiyang-hiya ako, nandoon lang ako sa isang corner nanonood sa ibang kumakanta kasi sobrang sanay ‘yung ibang girls doon.

“So, doon siguro nakita ko ‘yung sarili ko kung paano sa role, nawala na rin ‘yung hiya ko wearing skimpy bikini, fearing to other people, kasi mahiyain din akong makipag-usap, eh, so nawala,” masigla pang kuwento ng dalaga.

Hinding-hindi niya makakalimutan ang pagkanta sa entablado kasama ang original cast ng Miss Saigon sa pangunguna ni Ms. Lea Salonga na naka-duet pa niya nang ganapin na 25th anniversary celebration ng musical play.

“Ang sarap ng feeling, unang-una sobra akong grateful na naging part ako ng Miss Saigon, at naka-duet ko nga si Ms. Lea, hindi ko alam na nag-comment siya after, napanood ko lang ‘yung sa YouTube, malaking bagay ‘yun.

“Isa ako sa napili para gawin ‘yung Movie In My Mind (musical play), so thankful ako kasi ang daming Pinoy na nagtsi-cheer,” masayang kuwento niya.

Nababasa niya ang lahat ng magagandang comment sa social media nang mapanood ang duet nila ni Lea, kaya labis-labis ang pasasalamat niya sa suportang ibinibigay sa kanya ng mga kababayan natin.

Nami-miss nang labis ni Rachel Ann ang kanyang pamilya kaya nu’ng dumating siya noong Lunes (Oktubre 13) ay namalagi lang siya sa bahay nila.

“Na-miss ko ang pagkain, ninamnam ko ‘yung bahay,” kuntentong kuwento niya.

Itinanong namin ang tungkol sa ex(?)-boyfriend niyang si Slater Young.

“Okay kami, nag-uusap kami, ‘yun lang,” natawang sagot ng dalaga. “Okay naman po kami, kung baga anuman ‘yung napag-iwanan namin noon, ‘tapos na ‘yun. Move forward, that’s it and be happy of whatever we have, so enough na.”

Wala raw siyang lovelife ngayon na choice niya dahil buo ang konsentrasyon niya sa Miss Saigon.

At ang premyo ni Rachelle Ann sa kanyang sarili ay, “Plano kong magpagawa ng dream house ko, simple lang.”

Apat na araw lang si Rachel sa Pilipinas, kaya kagabi ay bumalik na siya ng London at mananatili siya roon hanggang Mayo 2015. Pupunta roon ang kanyang buong pamilya para manood ng play niya.

“Goodluck, mapapanood nila ang suot ko, siguro ipipikit na lang nila ang mga mata nila, ha-ha-ha,” tumatawang sabi ng dalaga.