LAGAWE, Ifugao - Dalawang sundalo ang napatay, at tatlong iba pa ang nasugatan sa pakikipagsagupaan sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) noong Martes sa Asipulo, Ifugao.

Sa nakuhang report mula sa Asipulo Municipal Police, nangyari ang engkuwentro dakong 8:00 ng umaga noong Martes habang nagsasagawa ng foot patrol ang mga tauhan ng 54th Infantry Brigade ng Philippine Army sa may Sitio Daclan, Barangay Camandag, nang makasagupa ang mga rebelde sa ilalim ng Nona Del Rosario Command (NDRC).

Umabot nang mahigit 30 minuto ang sagupaan at napatay sina Private First Class Mark Anthony Patdu at PFC James En-ale, samantalang sugatan naman ang team leader na si First Lt. Roland Carinan, sina PFC Raffy Anungus at PFC Janryl Discaya.

Napatay din sa enkuwentro ang rebeldeng si Joel Puguon Bongtiwon, ng Sitio Hiket, Bgy. Camandag, Asipulo, Ifugao.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Ayon kay Chief Supt. Isagani Nerez, regional director ng Police Regional Office-Cordillera, inatasan niya ang mga tauhan ng Regional Public Safety Company sa Ifugao na magback-up sa mga sundalo sa isinasagawang manhunt operation sa mga rebelde sa lugar. - Rizaldy Comanda