Ni NINO N. LUCES

LEGAZPI CITY, Albay – Upang matiyak na hindi na magbabalik sa kani-kanilang bahay ang mga inilikas na residente sa six-kilometer permanent danger zone (PDZ) at sa hanggang walong extended danger zone (EDZ), plano ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na putulin ang supply ng kuryente at tubig sa mga nasabing lugar sa Albay.

Sinabi ni Dr. Cedric Daep, hepe ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), na tatalakayin pa ang pagpapatupad ng nasabing plano sa isang executive committee meeting, at naghihintay pa sila ng utos mula sa PDRRMC chairman na si Albay Governor Joey Salceda.

“Lahat ng inilikas mula sa prohibited zones ay saklaw ng order na ito. Ginawa na rin ito sa Barangay Buyuan sa Legazpi City nang sumabog ang Mayon noong 2009, para hindi na bumalik sa kani-kanilang bahay ang mga residente,” ani Daep.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Ayon kay Daep, naisip ng mga lokal na opisyal ng Albay ang nasabing plano kaugnay ng mga ulat na may mga evacuee na nagbabalik sa kani-kanilang bahay para sa ilang dahilan, kabilang na ang pagiging hindi nila kumportable sa mga evacuation center.

Samantala, nagbabala pa rin ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na hindi tamang isipin na hindi na sasabog ang bulkan ngayong mukhang kalmado ang Bulkang Mayon.

Sinabi ni Ed Laguerta, resident volcanologist ng Phivolcs, na may malaking posibilidad na sasabog ang bulkan sa mga susunod na linggo dahil maga pa rin ang ibabang bahagi nito na nangangahulugang umaahon pa ang magma.

May ulat ni Fer Taboy