Dahil ginamit umano sa mga maanomalyang transaksiyon ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel fund ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., nais ng prosekusyon na masilip ang bank account ng mga pekeng non-government organization (NGO) na itinayo ni pork scam mastermind Janet Lim Napoles.

Sa pamumuno ni Deputy Special Prosecutor John Turalba, hiniling ng prosekusyon sa Sandiganbayan First division na magpalabas ng subpoena sa mga bank account ng anim na NGO na sangkot sa kasong plunder laban kay Revilla.

Ang anim na NGO ay kinabibilangan ng Agrikultura Para Sa Mga Magbubukid Founation, Inc. (APMFI); People’s Organization for Progress and Development Foundation, Inc. (POPDI); Masaganang Ani Para Sa Magsasaka Foundation, Inc. (MAMFI); Social Development Program For Farmers Foundation, Inc. (SDPFFI); Agri-Economic Program For Farmers Foundation, Inc. (AEPFFI); at Philippine Social Development Foundation, Inc. (PSDFI).

Sinabi ng prosekusyon na ang anim na NGO ay may account sa Metrobank at Landbank of the Philipines.

National

2 taga-Laguna na parehong nanalo sa magkahiwalay na Lotto 6/42 draw, kumubra na ng premyo

Sa kanyang testimonya sa Fifth Division, sinabi ni whistleblower Benhur Luy na kontrolado ni Napoles ang may 20 pekeng NGO na kanyang itinayo upang makapaglustay ng pondo ang mga mambabatas mula sa kanilang PDAF.

Una nang hiniling ng mga abogado ni Napoles sa Sandiganbayan First division na ipa-subpoena ang bank account ng mga whistleblower.

Sa pagbasura ng Fifth Division sa kahilingan ng kampo ni Napoles, iginiit nito na ang bank record ng mga whistleblower ay saklaw ng Bank Secrecy Law.