Mga laro ngayon (Smart-Araneta Coliseum):

2 p.m. -- UP vs. FEU

4 p.m. -- UST vs. Ateneo

Mas mapatatag ang kanilang pamumuno kahit wala ang kanilang head mentor ang tatangkain ng Far Eastern University sa kanilang pakikipagsagupa sa University of the Philippines sa unang laro ngayong hapon ng UAAP Season 77 basketball tournament second round sa Smart-Araneta Coliseum.

National

#WalangPasok: Mga lugar na nagsuspinde ng klase ngayong Biyernes, Sept 13

Nakamit ng Tamaraws ang solong pangingibabaw sa team standings makaraang muling gapiin ang defending champion na De La Salle bilang send-off sa kanialng head coach na si Nash Racela na umalis din pagkatapos ng kanilang laro noong Miyerkules ng gabi patungong Spain para sumunod sa Gilas Pilipinas na kakampanya sa FIBA World Cup.

Bagamat matatagalan bago siya makabalik sa bansa, tiwala naman si Racela sa kanyang mga naiwanan para gumabay sa Tamaraws partikular ang kanyang assistant coach na si Erick Gonzales.

“Our team is based on trust. I think we have developed ‘yung malaking trust sa isa’t isa na kahit mawala ‘yung isa, mapupunuan ng isa,” pahayag ni Racela bago tumulak patungong Seville,Spain.

Ayon pa kay Racela, kailangan talagang manatiling naka-focus ng kanyang team dahil wala pang nagarantiyahan ang naturang ikalawang panalo nila kontra La Salle ngayong taon.

“We will see kung saan kami babagsak.Nothing is guaranteed yet. We have to focus on our next games,” ayon pa sa isa sa mga assistant coaches ni Chot Reyes sa Gilas.

Sa panig naman ng UP, patuloy pa rin itong magkukumahog na mahagip ang inaasam na ikalawang panalo ngayong taon matapos maitala ang unang panalo kontra Adamson sa pagtatapos ng first round.

Samantala, sa tampok na laro, hangad naman ng Ateneo de Manila na makakalas mula sa kinalalagyang 3-way tie sa ikalawang puwesto kasalo ng National University at ng kanilang archrival La Salle hawak ang barahang 7-3, panalo-talo sa kanilang pagsagupa sa University of Santo Tomas.

Tatangkain ng Blue Eagles na duplikahin ang kanilang naitalang 61-63 panalo kontra Tigers noong first round na tiyak namang hindi pahihintulutan basta ng huli dahil sa hangaring makahabol sa susunod na round.

Hawak ang patas na barahang 5-5, kung saan kasalo nila ang season host University of the East, nais ng Tigers na makaangat para patuloy na buhayin ang tsansang umusad ng Final Four round.

“Buhay pa kami sa Final Four,” ani UST coach Bong de la Cruz makaraan ang huling panalo laban sa UP noong Miyerkules. “Kailangan namin one game at a time. Every possession counts. ‘Yun na ’yung battle cry namin ngayon.”