SARAH Geronimo

NAGSALITA na ang ina ni Sarah Geronimo na si Mommy Divine kaugnay sa madalas na nasusulat at sinasabing kontrabida siya sa love life ng kanyang anak.

Kahit lampas na sa hustong gulang si Sarah ay patuloy pa raw kasi ang pagbabantay ni Mommy Divine na parang minor pa rin si Sarah. Pero ayon kay Mommy Divine, sa interview sa kanya ni Bianca Gonzales sa programang Cinema News sa Cinema One, may mga sariling panuntunan daw sila sa buhay at iyon ang pinaiiral sa samahan nilang mag-iina.

"Hinding-hindi namin gagawin na sabihin sa kanya na, 'Ito ang gusto ko para sa iyo'. Hindi. .. ayaw namin ng ganu'n. Pinapayuhan namin siya. Sasabihin namin, ' Anak, ganito ... ganyan siya. Pero kung ano'ng gusto mo ay ikaw pa rin ang masusunod.' Desisyon pa rin niya," sabi ni Mommy Divine.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sinabi rin ng ina ni Sarah na lagi niyang sinasabi kay Sarah na dapat ay lalaking masasandalan niya habang buhay ang piliin niya. Hindi raw dapat pairalin ni Sarah ang puro emosyon. Banggit pa ni Mommy Divine, ang pisikal na kaanyuan o ang kaguwapuhan ng isang lalaki ay pakunsuwelo na lang.

"Emotionally ay matuturuan siya kung saan talaga dadalhin ang emosyon, para sa ikabubuti ang emosyon. Hindi 'yung puro emosyon na lang," banggit pa ni Mommy Divine.

Samantala, mukhang hindi naman apektado sina Sarah at Matteo Guidicelli sa mga lumalabas na pang-iintriga sa relasyon nila. Tinatawanan nga lang daw ng dalawa ang mga nababasang isyu sa kanila.

May binanggit pa ang source namin na kahit may mga kumukuha ng picture sa dalawa habang nakaakbay si Sarah kay Matteo at inaayos pa ng pop princess ang buhok at ang polo ng boyfriend niya ay hinahayaan lang nila ang mga ito.