Ni SHEEN CRISOLOGO

SCIENCE CITY OF MUNOZ, Nueva Ecija – Sa harap ng tumitinding banta ng El Niño, inirekomenda ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ang 17 uri ng bigas na tinatawag na El Niño battle-ready upang maibsan ang magiging epekto ng nakaaalarmang phenomenon.

Tinukoy ni Dr. Eufemio Rasco Jr., executive director ng PhilRice, ang 17 uri ng bigas bilang ang NSIC Rc 192 (Sahod Ulan1), PSB Rc14 (Rio Grande), PSB Rc68 (Sacobia),NSIC Rc 212 (Sahod Ulan2), Rc 274 (Sahod Ulan3), Rc276 (Sahod Ulan4), Rc 278 (Sahod Ulan5), Rc280 (Sahod Ulan6), Rc282 (Sahod Ulan7), Rc284 (Sahod Ulan8), Rc286 (Sahod Ulan9), Rc288 (Sahod Ulan10), Rc346 (Sahod Ulan11), Rc348 (Sahod Ulan12), PSB Rc80 (Pasig), PSB Rc9 (Apo) at NSIC Rc23 (Katihan1).

Sinabi ni Rasco na hinihimok ng PhilRice ang mga magsasaka na maagang magtanim ng mga klase ng bigas na madaling lumago at hindi naaapektuhan ng tagtuyot bilang paghahanda sa El Niño, na inaasahang mararanasan ng bansa sa huling bahagi ng 2014 at tatagal hanggang sa unang quarter ng 2015, batay sa huling advisory ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA).

Probinsya

Nasa 4,000 mga labi, apektado ng konstruksyon sa isang sementeryo sa Cebu

Base sa El Niño rice vulnerability map ng PAG-ASA, maaapektuhan ng matinding tagtuyot na dulot ng El Niño ang Cagayan, Isabela, Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac, Camarines Sur, Iloilo, Negros Occidental, Bohol, Leyte at ilang lugar sa Mindanao.

Para magamit nang husto ang ulan, inirekomenda ng PhilRice ang pagtatanim ng early-maturing varieties ngayong tag-ulan dahil maaari na itong maani bago ang tagtuyot.

Sinabi ni Dr. Nenita V. Desamero, PhilRice breeder, na inirerekomenda sa mabababang sakahan na may irigasyon ang pagtatanim ng PSB Rc10 (Pagsanjan), NSIC Rc134 (Tubigan 4) at PSB Rc160 (Tubigan 14).

Ayon kay Rasco, akma naman sa mabababang palayan na umaasa sa ulan ang NSIC Rc192 (Sahod Ulan 1), PSB Rc14 (Rio Grande), at PSB Rc68 (Sacobia). Inirerekomenda ang pagtatanim ng mga ito sa mga lugar na may matinding banta ng El Niño.

“With drought-tolerant varieties, rice could still thrive even with limitations in water supply,” sabi ni Desamero, idinagdag na aabot sa hanggang 6.7 tonelada kada ektarya ang maaani sa nasabing mga klase ng bigas.

Para sa matataas na lugar, inirerekomenda ng PhilRice ang PSB Rc80 (Pasig), PSB Rc9 (Apo) at NSIC Rc23 (Katihan 1).

Ang ilan sa mga binhi ay available na sa PhilRice business development division. Para sa anumang katanungan, maaaring makipag-ugnayan ang mga magsasaka sa PhilRice Text Center sa 0920-9111398.