Isang makulay na opening rites ang ipinangako ng season host La Salle College Antipolo sa pagbubukas ngayong umaga ng ika-45 taon ng Women's National Collegiate Athletic Association (WNCAA) sa Ninoy Aquino Stadium.

Sa ganap na alas-11:00 ng umaga idaraos ang opening rites na umano’y binuo ng isang dating Cultural Center of the Philippines choreographer.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Tampok na panauhin at tagapagsalita naman ang tanyag na spikers ng De La Salle Lady Spikers na si Mika Reyes na produkto naman ng St. Scholastica’s College junior volleyball squad.

Nakatakdang simulan ng defending seniors champion Centro Escolar University (CEU), sa pangunguna ng nakaraang taong Most Valuable Player na si Janine Pontejos, ang kanilang kampanya para sa target nilang 4-peat sa pagsagupa nila sa San Beda College (SBC) Alabang sa tampok na laban sa ganap na alas-4:00 ng hapon.

Kasunod ito ng salpukan sa juniors division sa pagitan ng season host LSCA at ng St. Paul College (SPC) Pasig sa ganap na alas-2:00 ng hapon.

Una rito, maghaharap naman sa pambungad na laban sa midget division ang three-time defending champion De La Salle Zobel at ang Poveda sa ganap na alas-12:00 ng tanghali.

Lahat ng tatlong laro at mga nalalabing laro sa basketball ay gaganapin sa Rizal Memorial Coliseum.

"CEU is still the team to beat,” pahayag ni WNCAA executive director Ma. Vivian Manila. "But many schools have also improved the past years, they hired very good coaches. Hopefully, they will all give CEU a good fight."

Kinabukasan, magbubukas naman ang volleyball tournament sa St. Scholastica’s College gym kung saan makakaharap ng seniors defending champion San Beda ang Assumption College sa ganap na alas-12:30 ng hapon habang makakasagupa naman ng reigning four-time senior futsal champion Rizal Technological University (RTU) ang CEU sa pagbubukas naman ng futsal competition sa Agosto 17 sa University of Asia & the Pacific gym sa Pasig.

Ang La Salle Zobel ang winningest school noong nakaraang taon matapos magwagi ng limang titulo sa midgets basketball, junior at midgets volleyball, junior futsal at midgets badminton, nakamit naman ng RTU ang seniors titles sa badminton, taekwondo at table tennis habang inangkin ng San Beda ang korona sa junior at midgets swimming at namayani naman ang Miriam College sa junior badminton at midgets taekwondo.

Ayon kay LSCA executive vice chancellor Jimelo Tipay, noong nakaraang taon ay nagsimula na ng kanilang paghahanda para sa opening ang 45th WNCAA.

"We also want to keep our junior taekwondo title and I trust our Sports Development office, headed by Arvin Flores, made all the right preparations for the other events as well," ayon pa kay Tipay.

Samantala, ang iba pang mga paaralang kalahok sa liga na sinusupotahan ng Mikasa, Molten, OneA Bed and Breakfast, Goody, Monster Radio RX 93.1 at AksyonTV ay ang Angelicum College, Chiang Kai Shek College, Philippine Women's University, St. Jude Catholic School at St. Stephen's High School.