JC, Erich, Enchong

ISA kami sa mga nanood ng Once A Princess sa unang araw ng showing nito noong Miyerkules (LFS) sa Cinema 4 ng Gateway Cineplex at nalungkot kami dahil iilan lang kami sa loob ng sinehan.

Marahil ay mas pinuntahan ng supporters nina Erich Gonzales, JC de Vera at Enchong Dee ang block screening na ginanap sa SM The Block nang araw ding iyon at ang premiere night na ginanap naman sa SM Megamall kinagabihan para makita sila nang personal.

Bakit kami nalungkot? Kasi maganda ang pelikula, maganda ang pagkakadirehe ni Laurice Guillen maski na medyo mabagal ang pacing sa umpisa, at nailatag niya nang maayos ang istorya nina Erin (Erich), Damian (JC) at Leonard (Enchong) na pati mga dialog ay sakto lang at hindi magulo o patalun-talon.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Magkaklase sina Erin at Leonard sa Science subject. Matalino si Leonard kaya nagpapatulong si Erin para maipasa ang subject bukod sa pareho silang attracted sa isa’t isa.

Nagkaaminan sina Erin at Leonard na gusto nila ang isa’t isa nang yayain ng dalaga ang binata sa isang beach resort. Nagtapat ang binata na matagal na niyang gusto si Erin at sa katunayan ay marami na siyang alam tungkol sa babaeng mahal niya.

“You’re my anchor, you’re my compass and you’re my north star” ang sinabi ni Leonard kay Erin, na hindi nakapagpigil na halikan ang binata, ang naging hudyat ito na ‘sila na’.

May isang happy go lucky guy na feeling dyowa si Erin, si Damian na kahit ilang beses nang binabara at hindi pinapansin ng dalaga ay hindi pa rin tumitigil, hanggang sa nagipit ang pamilya ng una at pamilya ng huli ang tumulong.

Dahil sa utang na loob ay ipinakasal si Erin kay Damian na naging iresponsableng asawa, at lumala ang pagiging alcoholic lalo nang ma-bankrupt sila.

Hindi matanggap ni Leonard ang pagpapakasal ni Erin kaya nagpakamatay siya sa dagat na pinuntahan nila. Habang comatose siya sa ospital ay dinalaw siya ng babaeng minamahal niya hanggang sa nagkamalay siya, pero nu’ng makita niya ay itinaboy naman ito sa galit.

Samantala, mahal na mahal ni Damian si Erin na hindi lang niya alam kung paano ito ipapakita dahil masyado siyang possessive kaya de-numero ang kilos ng asawa na nag-aakalang hindi niya mahal.

Naging baldado si Damian kaya kinailangang magtrabaho ni Erin, na si Leonard ang naging boss. Ipinaramdam ng huli na galit pa rin siya, pero gusto niyang tulungan ang babaeng minamahal.

Kalaunan ay bumigay na rin si Leonard dahil hindi niya matiis ang mga paghihirap ni Erin sa piling ni Damian kaya binigyan ito ng mga damit at sapatos para may magamit.

Isang araw, nagpaalam si Damian na mag-a-out of town. Nang araw ding iyon isinama ni Leonard sa beach si Erin at ginunita nila ang nakaraan. Pag-uwi ng bahay ay nagulat si Erin na alam na ni Damian na si Leonard ang boss niya, at dito nag-umpisang pagbuhatan ng kamay ang asawa.

Nagtaka si Leonard nang hindi pumasok ng opisina si Erin at nakatanggap ng mensahe galing kay Damian, na gamit ang cellphone ni Erin, kaya agad siyang pumunta sa bahay ng mga ito at dito na nagkagulo.

Nadaig ni Leonard si Damian, at kaagad na pinalabas si Erin pero hindi para sumama sa lalaking mahal kundi para magsumbong sa barangay hanggang sa tuluyan na silang maghiwalay.

Wala nang nagawa si Damian dahil ayaw nang bumalik sa kanya ang asawa hanggang sa pumirma na rin siya sa annulment papers at sa Amerika na siya nagpagaling.

Sa last frame, nasa tabing-dagat sina Erin at Leonard.

Kung tutuusin ay simpleng love story lang ang Once A Princess, pero magagaling umarte ang tatlong bida. Kahit bad boy ang papel ni JC ay hinangaan siya nang husto.

Hindi bagay kay Enchong ang bad boy dahil obvious naman na angelic face siya, kaya hayun, para siyang baby boy lalo’t nerdy-nerdy ang papel niya.

Halos lahat ng role na ginagampanan ni Erich sa pelikula ay kakaiba na parang masyadong pinag-isipan tulad ng I Do, Noy, Corazon, Unang Aswang at Suddenly It’s Magic at ‘yung gumanap siyang pipi ay kakaiba ang mga konsepto.

Mahusay na aktres si Erich kaya naman hindi common ang mga papel na ibinibigay sa kanya ng Skylight Films at Star Cinema.

Sana mapanood mo rin ang Once A Princess, Bossing DMB kasi mature movie ito at marami ang makaka-relate.