Band formation

Sinulat at mga larawang kuha ni Rizaldy C. Comanda

MULING ipinakita ng Tabukenos ang kanilang pagpapahalaga sa kultura at tradisyon na kanilang minana mula pa sa kanilang mga ninuno, sa pamamagitan ng Dornat (Renewal of the Bodong) na naging pangunahing tampok sa ipinagdiwang na 2014 Matagoan Festival, kasabay ang 7th Founding Anniversary ng Tabuk City, Kalinga.

Layunin ng binuong Matagoan Bodong Consultative Council (MBCC), ang peace-making arm ng local government unit, na ipamulat sa mga kabataan ang kahalagaan ng Dornat dahil sila ang magmamana at magpapatuloy para ipatupad ang kapayapaan at pagkakaisa ng tribo.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Ang “bodong” ay tinatawag na native peace pact practice hindi lamang sa Kalinga kundi maging sa iba pang mga lalawigan sa Cordillera, na hanggang ngayon ay isinasagawa.

Ang salitang Matagoan, na ang ibig sabihin ay Zone of Life o Pook ng Buhay, ay kinonsepto bilang festival noong 2002 sa pamumuno ni dating Mayor Camilo Lammawin, Jr., dahil bilang capital town, ang Tabuk ay siyang sentro ng komersiyo, edukasyon at recreation area ng iba’t ibang bayan ng lalawigan.

Ipinagmamalaki rin ng Tabuk ang pagiging Rice Granary of the Cordilleras, dahil sa yaman nito sa agrikultura bilang producer ng mga primera-klaseng bigas. Ang Tabuk din ang ikalawang siyudad ng rehiyon noong Hunyo 23, 2007.

Sa kasalukuyan ay hindi na mapigilan ang pag-angat ng ekonomiya ng Tabuk sa tulong ng mga mamamayan mula sa 42 barangay na nagtutulung-tulong tungo sa tuluyang pag-unlad ng siyudad. Hangarin din ngayon ng mga opisyales ng lungsod, sa pangunguna ni Mayor Ferdinand Tubban, na mapalago ang turismo sa pamamagitan ng Matagoan Festival na ipinagdiriwang tuwing Hunyo.

Sa pagdiriwang ng Matagoan Festival ay binigyang-pugay ni Mayor Tubban sa pamamagitan ng parangal at pagkilala sa mga nagdaang alkalde ng Tabuk. Makasaysayan din ang ethnic street dancing ng walong sub-tribes ng Tabuk, na suot ang kani-kanilang makukulay na native costumes, kasabay ang iba’t ibang tunog ng gong at mga musika mula sa iba’t ibang uri ng instrumento na gawa sa kawayan.

Naging highlights din ang unang band formation na kinabibilangan ng 1,000 majorettes and drum and lyre na naka-native attire mula sa mga paaralan na isinagawa sa athletic bowl. Hindi rin mawawala sa okasyon ang kakaibang mga indigenous games at presentasyon ng mga barangay sa kani-kanilang mga produkto sa Farmers and Cooperative Day Agriculture Day, na isa sa dinadayo ng mga turista para makabili, at ang kinasasabikang beauty contest ng naggagandahang kababaihan sa Tabuk City.

[gallery ids="88077,88078,88080"]