Kinalampag ni Sen. Imee Marcos ang pamahalaan upang agarang ipasa ang Senate Bill No. 2005 na maglalayong bawasan ang singil sa buwis sa gitna ng kinakaharap na krisis sa langis.
Sa ilalim nito, itataas ang income tax exemption sa ₱500,000 ng taunang kita mula sa kasalukuyang ₱250,000.
Bukod dito, iaangat din umano ang ceiling ng mga bonus kasama na ang 13th month pay at iba pang benepisyo nang walang patay ng buwis.
Sa latest Facebook post ni Sen. Imee nitong Linggo, Abril 5, sinabi niyang kinakailangan umanong mas malaki ang maiuwi ng mga manggagawa mula sa sweldo ng mga ito.
“Kailangan ito upang mas malaki ang maiuuwi ng mga manggagawang Pilipino sa gitna ng sunod-sunod na pagsirit ng presyo ng mga bilihin dahil sa krisis,” saad ni Sen. Imee.
Dagdag pa niya, "Kung hindi kayang kontrolin at agarang mabigyan ng solusyon ng pamahalaan ang sitwasyon, siguraduhin man lang natin na mas malaki ang maiuuwing kita ng bawat Pilipino upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan."
Matatandaang nauna nang nanawagan si Sen. Imee na suspendihin muna ang salary deductions sa gitna ng national state of energy emergency.
“Ang krisis sa gasolina at krudo ay pabigat lalo sa pang-araw-araw na buhay ng bawat Pilipino, lalo na sa ating mga manggagawa. Kaya't marapat lamang na bigyan natin sila ng kahit isang buwan o higit pang palugit sa pagbabayad ng kanilang mga obligasyon," saad ni Sen. Imee.
Katwiran ng senadora, nagawa na umano ang bagay na ito noong pandemya at sa mga nakalipas na kalamidad, dahilan para makabangon ang apektadong sektor.
Maki-Balita: ‘Wag munang kaltasan!’ Sen. Imee, pinabibigay nang buo ang sahod ng mga manggagawa