Usap-usapan ang sunod-sunod na Instagram stories ng Davao-based artist na si Tanya Gaisano Lee matapos niyang sabihing siya ang nagpinta at nagbigay ng isang painting kay Vice President Sara Duterte, taliwas sa naging pahayag ng umano'y dating "bagman" at "aide" niyang si Ramil Madriaga, na niregaluhan niya ang "dating boss" ng isang painting, na gawa naman ng isang iskolar mula sa Laguna.
Si Tanya Gaisano-Lee ay isang Filipino visual artist mula Davao na kilala sa kaniyang kakaibang estilo ng pagpipinta—lalo na ang mga artwork na kadalasang walang mukha ang subjects.
Galing siya sa pamilyang Gaisano, na kilalang negosyante sa Pilipinas.
Nitong Martes, Abril 14, dumalo sa pagdinig ng House Committee on Justice si Madriaga kaugnay sa impeachment complaints ng Bise Presidente.
Dito ay nagpakita siya ng ilang mga ebidensya na may personal na koneksyon sila ni VP Sara, taliwas naman sa naging pahayag ng kampo ng huli na hindi niya kilala si Madriaga.
Bukod sa video birthday greetings sa kaniya ni VP Sara, isa sa mga naging claim ni Madriaga ang tungkol sa painting, kung saan makikita ang isang babae sa pinta na walang mukha.
"Nagregalo po ako sa kaniya ng isang painting niya, na ginawa po ng isang iskolar ko sa Laguna," sagot ni Madriaga nang usisain ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, na siyang chairman ng komite, ang pagsama niya sa litrato ni VP Sara kung saan makikita ang painting, sa kaniyang supplemental affidavit.
"May mga scholars po ako sa Laguna, may isa po talagang talented, Fine arts, pinagawa ko po yung painting na 'yan, tapos kinuha po ng presidential security groups sa bahay sa Laguna," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from House of Representatives/FB
Maki-Balita: Ramil Madriaga, nanindigang personal siyang kilala ni VP Sara
Ibinahagi naman ito ni Gaisano Lee sa kaniyang IG story at kinomentuhan. Aniya, regalo niya ang painting sa Pangalawang Pangulo noong alkalde pa lamang siya ng Davao City, noong 2021.
Aniya, "I gifted this painting to VP Sara when she was a Mayor of Davao City in 2021."
"Anything stated otherwise is FALSE," pagdidiin pa niya.
"I am not a scholar. I am not from Laguna. I am from Davao: Life is HERE," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Tanya Gaisano Lee (IG)
Sa iba pang Instagram stories, ipinakita pa niya ang iba't ibang larawang magpapatunay na siya ang may-ari ng painting at nagregalo nito kay VP Sara.
Photo courtesy: Screenshot from Tanya Gaisano Lee (IG)
Tila nagpasaring din si Gaisano Lee sa isang Instagram story matapos niyang i-post ang isa niyang larawan at nilagyan ng caption na "Scholar ng Laguna."
Photo courtesy: Screenshot from Tanya Gaisano Lee (IG)
Samantala, sa Reddit naman, nahalungkat ang lumang Facebook post ni VP Sara sa "Inday Sara Duterte" Facebook page kung saan makikitang pinasalamatan niya ang isang "Dabawenya artist" dahil sa painting na regalo sa kaniya.
Ang petsa ng FB post ay noong Agosto 16, 2021.
Mababasa sa post ni VP Sara, "Ito po ay gawa ng isang Dabawenya artist. Lahat po ng kanyang mga paintings ay walang mukha. Ano kaya sa tingin niyo ang ibig sabihin sa ganitong style niya?"
Photo courtesy: Inday Sara Duterte (FB) via Reddit
Tugma ito sa claim ng artist na 2021 niya ibinigay ang painting kay VP Sara, at batay naman sa post ng Pangalawang Pangulo, isang babae ang nagregalo sa kaniya dahil sa salitang "Dabawenya."
Samantala, wala pang reaksiyon at komento ang kampo ni Madriaga tungkol dito.