Nanindigan at naglabas ng mga patunay ang nagpakilalang “bagman” at “aide” noon ni Vice President Sara Duterte na si Ramil Madriaga upang ihayag sa Kamara na personal siyang may kaugnayan sa Bise Presidente.
Ayon sa naging pagdalo ni Madriaga sa pagdinig ng House Committee on Justice nitong Martes, Abril 14, 2026, sinabi niyang marami raw na makakapagpatunay na opisyal ng gobyerno at mga miyembro ng grupo nilang Social Justice, Innovation, and Progress Pilipinas ISIP Pilipinas, Inc.. o Inday Sara is my President (ISIP) Pilipinas.
“Marami pong makakapagpatunay na mga opisyal sa gobyerno at saka mga kasama namin sa ISIP na mayroon kaming mga naging pagpupulong,” pagsisimula niya.
Ani Madriaga, may pagkakataon pa raw na nakasama niya si VP Sara sa isang resort noong panahon ng kampanya sa loob ng 24 na oras.
“Bukod pa po dito, may mga meeting lalo na po noong eleksyon na kasama ko siya halos 24 hours. Minsan overnight pa sa isang resort,” aniya.
Dagdag pa niya, “Kaya kilalang kilala po niya ako at kilalang kilala ko rin po siya.”
Matapos nito, nagawang isa-isahin ni Madriaga ang mga larawan niyang magpapatunay sa mga nasaad niya sa kaniyang supplemental affidavit na nakasalamuha raw niya nang personal si VP Sara.
Pagsisiwalat niya, palagi raw silang nagsasagawa ng video conference kasama si VP Sara at mga miyembro ng ISIP noong panahon ng kampanya.
“Buong election campaign po, madalas po kami na nagvi-video conference. Nag-a-update kami at sa ganitong pagkakataon po, may ilang mga abogado po rito na lawyers ng ISIP,” saad ni Madriaga.
Paliwanag pa niya, “Ako, si attorney Ryan Quilala, si VP Sara lang po ang nagsasalita. ‘Yong mga members ng ibang region, hindi po sila nagsasalita… Kami lang po, apat o lima ang nag-uusap tungkol doon sa campaign.”
Photo courtesy: HOR.
Pagpapatuloy ni Madriaga, makikita rin daw sa parehong video conference na ibinahagi niya sa Komite ang painting na iniregalo niya kay VP Sara noon mula sa likha ng isa niyang iskolar sa Laguna.
“Nagregalo po ako sa kaniya ng isang painting niya na ginawa po ng isang iskolar ko sa Laguna… Tapos kinuha po ng Presidential Security Group sa Laguna,” pagbabahagi niya.
Photo courtesy: HOR.
Anang testigo, may litrato rin daw siyang nakasama at katabi pa si VP Sara noong nakatakda sanang makapulong nila si dating Vice President Leni Robredo at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo ngunit hindi raw sila sinipot ng huli.
“Hindi po ito kampanya. Makikipag-meeting po kami kay VP Leni sana. Sa simbahan po ito nina VP Leni, 10:00 ng gabi… Hindi po siya nagpakita, 10:00 po ito ng gabi, wala na pong ibang taon doon,” saad niya.
Photo courtesy: HOR.
Nagawa ring ipanood ni Madriaga sa Komite ang naging pangangampanya ni VP Sara sa Matnog, Sorsogon, kung saan ay aktuwal siyang tinawag nito na “Sir Ram” at inabot sa kaniya ng Bise Presidente ang hawak nitong Philippine flag.
Photo courtesy: HOR.
Ibinahagi rin ni Madriaga ang naging inagurasyon ni VP Sara sa Cathedral ng Davao noon kung saan siya raw mismo ang personal na nagkuha ng mga larawang inupload nila sa Facebook page ng ISIP.
“Ako po ang nag-picture nito. Inauguration po ni VP Sara sa Davao, sa Cathedral. Lumayo po ako kay Harry Roque noon kasi nagkasagutan na po kami. Lumipat po ako sa second row,” ‘ika pa niya.
Photo courtesy: HOR.
Bukod pa sa mga ito, nagawa ring ipakita ni Madriaga ang ilang mga larawan ng mga naging kasama niya sa grupo nilang ISIP at mga sasakyang ginamit nila niya noon sa paghahatid ng confidential funds ni VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: ₱125M confidential funds ni VP Sara, nalustay sa loob ng 24 oras—Madriaga
KAUGNAY NA BALITA: Ramil Madriaga isiniwalat na mahina, bayolente sa law school noon si VP Sara