May 22, 2026

Home BALITA

Libreng sakay sa 3-day transport strike, isasagawa lamang kung kakailanganin—MMDA

Libreng sakay sa 3-day transport strike, isasagawa lamang kung kakailanganin—MMDA
Photo courtesy: via MB


Nilinaw ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chair Don Artes na hindi raw awtomatiko ang pagsisilbi ng libreng sakay kasunod ng napipintong tigil-pasada ng ilang transport groups.

Kaugnay ito sa ikakasang nationwide transport strike ng ilang grupo sa pangunguna ng MANIBELA, sa darating na Miyerkules, Abril 15 hanggang Biyernes, Abril 17.

MAKI-BALITA: MANIBELA, magkakasa ng 3-day transport strike simula Abril 15-Balita

Ayon sa ibinahaging pahayag ni Artes sa media nitong Martes, Abril 14, lagi naman daw handa ang pamahalaan na rumesponde sa pangangailangan ng taumbayan.

“Lagi namang handa ang ating pamahalaan na tumugon sa anumang kilos-protesta ng ating mga kasamahan sa transportation sector,” panimula ni Artes.

Aniya, “In fact, nag-abiso na po ang [Department of Transportation] DOTr at [Land Transportation Franchising and Regulatory Board] LTFRB na ia-activate po ‘yong ating emergency operating center na magmo-monitor po ng posibleng epekto ng transport strike.”

“Again, may maghahanda po tayo ng assets para mag-provide ng mga sasakyan sa mga mai-stranded nating kababayan—kung mayroon man,” dagdag pa niya.

Giit ng MMDA chair, kawawa naman daw kasi ang mga drayber na papasada pa rin sa araw na ‘yon, sapagkat pipiliin ng mga pasaherong sumakay sa libre kaysa sa mga bumibiyaheng tsuper.

“But again, ‘yan po, hindi po natin indiscriminately dine-deploy kasi kawawa naman ‘yong mga bumibiyahe. Siyempre priority ng ating mga kababayan ‘yong libre. So, pipiliin nilang sumakay doon; kaya hindi po natin dine-deploy ito unless kailangan,” anang MMDA chair.

Anang Artes, handa naman daw ang bawat LGU at ibang government agencies upang tulungan ang mga pasaherong maaapektuhan ng nasabing tigil-pasada.

Aniya pa, tukoy rin naman daw nila ang mga rutang dapat bantayan at abangan upang magsilbi ng libreng sakay.

Matatandaang bitbit ng ilang transport groups sa kanilang kilos-protesta ang mga panawagan hinggil sa pagbabasura ng Oil Deregulation Law, pagsuspinde ng excise tax at Value-Added Tax (VAT) sa mga produktong petrolyo, at ang rollback sa presyo ng langis.

Gayumpaman, idiniin ng Palasyo na hindi raw napapanahon at makatutulong sa kasalukuyan ang nasabing tigil-pasada.

“At sa atin po ngayon, sa ating palagay, ang pagho-hold ng transport strike ay hindi napapanahon sa ngayon, hindi po ito makakatulong sa dinaranas po natin dulot ng krisis sa Middle East—ang kinakailangan po lamang talaga dito ay negosasyon, pag-uusap, pagtutulungan,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO noong Lunes, Abril 13.

MAKI-BALITA: Palasyo sa 3-day strike ng MANIBELA: ‘Hindi napapanahon, hindi makatutulong’-Balita