Umapela si Sen. Imee Marcos sa ilang ahensya ng gobyerno na ihinto muna ang salary deductions sa gitna ng national state of energy emergency.
Sa isang Facebook post ni Sen. Imee nitong Biyernes, Marso 27, sinabi niyang bigyan muna ng kahit isang buwang palugit o higit pa ang mga manggagawa sa obligasyon ng mga ito sa SSS, GSIS, Pag-IBIG, at PhilHealth.
“Ang krisis sa gasolina at krudo ay pabigat lalo sa pang-araw-araw na buhay ng bawat Pilipino, lalo na sa ating mga manggagawa. Kaya't marapat lamang na bigyan natin sila ng kahit isang buwan o higit pang palugit sa pagbabayad ng kanilang mga obligasyon," saad ni Sen. Imee.
Dagdag pa niya, "'Wag muna nating kaltasan ang kanilang sahod. Ibigay muna ito nang buo upang kahit paano ay makasabay sila sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng bilihin.”
Katwiran ng senadora, nagawa na umano ang bagay na ito noong pandemya at sa mga nakalipas na kalamidad, dahilan para makabangon ang apektadong sektor.
Matatandaang Marso 24 nang ideklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang Pilipinas sa ilalim ng "state of national energy emergency."
Ito ay sa gitna ng patuloy na tensyon sa Middle East na lubhang nakaaapekto sa suplay ng enerhiya sa bansa.
Maki-Balita: PBBM, nagdeklara ng state of national energy emergency!