May 09, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Pitong hapis sa puso ng Mahal na Birheng Maria

Pitong hapis sa puso ng Mahal na Birheng Maria
Photo courtesy: Freepik

Ngayong Semana Santa, muling pinagninilayan ng mga debotong Katoliko ang Pitong Hapis ni Maria o Seven Sorrows of Mary, isang mahalagang debosyong nagbibigay-liwanag sa malalim na pagdurusa ng Mahal na Birheng Maria bilang ina ni Hesukristo.

Ito ay partikular na ginugunita tuwing Viernes de Dolores, bilang paghahanda sa mga kaganapan ng Mahal na Araw.

Ayon sa online faith page na "HugotSeminarista," ang pitong hapis ay sumasalamin sa mga pagsubok at sakit na dinanas ni Maria mula sa kapanganakan hanggang sa kamatayan ni Hesus.

Una, ang Propesiya ni Simeon kung saan ipinahayag na ang puso ni Maria ay tatarakan ng espada—isang paunang babala ng hinaharap na pagdurusa.

Ikalawa, ang Pagtakas sa Ehipto nina Maria, San Jose, at ng batang Hesus upang takasan ang banta ni Haring Herodes, na nagdulot ng takot at kawalan ng katiyakan sa kanilang pamilya.

Mga Pagdiriwang

KILALANIN: Negosyanteng nagtatag ng Red Cross at tumulong sa lahat ng sugatan!

Ikatlo, ang Pagkawala kay Hesus sa Templo, kung saan naranasan ni Maria ang matinding pangamba nang mawala ang kanyang anak sa loob ng tatlong araw bago matagpuan.

Ikaapat, ang Pagkikita ni Maria at Hesus sa Daan ng Krus, isang tahimik ngunit makabagbag-damdaming tagpo ng pakikiramay ng ina sa anak.

Ikalima, ang Pagpapako sa Krus at Kamatayan ni Hesus, kung saan matatag na nanatili si Maria sa paanan ng krus, saksi sa paghihirap at pagpanaw ng kanyang anak.

Ikaanim, ang Pagbaba ng Katawan ni Hesus mula sa Krus, kung saan muling niyakap ni Maria ang kanyang anak—ngunit ngayon ay wala nang buhay.

At ikapito, ang Paglilibing kay Hesus, kung saan inihatid ni Maria ang kanyang anak sa huling hantungan, taglay ang pananampalataya sa pangako ng Diyos.

Ipinapaalala ng Pitong Hapis ni Maria na ang pagdurusa, kapag inialay at iniugnay kay Kristo, ay nagiging daan tungo sa biyaya at kaligtasan. Sa kabila ng matinding sakit, nanatiling tapat si Maria—isang huwaran ng pananampalataya para sa mga mananampalataya sa buong mundo.

Sa gitna ng mga pagsubok sa buhay, hinihikayat ang mga deboto na tularan ang katatagan ni Maria—na sa bawat hapdi ay may kaakibat na pag-asa at pagmamahal ng Diyos.