Tinuldukan na agad ni dating Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang suspetsa ng ilan hinggil sa posibleng pagkandidato niya sa 2028 elections.
Sa latest episode ng “The Long Take” ng One News PH kamakailan, nausisa ang motibo sa likod ng kaniyang biglang pag-iingay.
“Number one,” sabi ni Defensor, “nagugulat nga ako na parang napupunta sa politika. Kasi for me, responsibilidad ng bawat Pilipino na makialam sa nakawan. [...] Lahat tayo dapat ma-involve. Hindi dahil may pangarap ka, may gusto ka.”
“I’m not running. But we have to address this [corruption]. This should not continue. Kailangan ihinto at panagutin at kunin natin kung ano ‘yong nanakaw na pondo sa ating bansa,” dugtong pa niya.
Matatandaang kumalat kamakailan ang mga larawan ng tarpaulin sa social media at sa ilang lugar na nagpapakitang umano’y tatakbo silang magkatandem ng aktres at Quezon City District 5 Councilor na si Aiko Melendez.
Ngunit sa isang opisyal na pahayag, nilinaw ni Melendez na wala siyang kinalaman sa naturang mga materyales at hindi niya ito inaprubahan o ipinagawa.
Maki-Balita: Aiko Melendez, itinanggi ang kumakalat na tarpaulin na umano’y katambal si Mike Defensor sa 2028
Umugong ang pangalan ni Defensor matapos siyang mag-ugnay sa 18 indibidwal na dating mga miyembro ng Philippine Marines.
Uang humarap sa publiko ang 18 ex-Marines noong Pebrero 24 sa ginanap na press conference sa Club Filipino sa Greenhills.
Kinumpirma nila ang naunang pahayag ni retired Marine TSgt. Orly Guteza tungkol sa umano’y male-maletang pera na dinadala sa bahay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Si Guteza ang dating Senate witness na nagsiwalat tungkol sa umano’y “maleta scheme.”
Ipinrisinta siya ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 2025.
Maki-Balita: Security personnel ni Co, pinatotohanan testimonya ni Guteza; naghahatid umano ng male-maletang pera sa bahay ni PBBM
Samantala, itinanggi naman ni Defensor sa isang panayam noong Pebrero 27 ang tungkol sa direktang ugnayan niya sa 18 ex-Marines.
Maki-Balita: Mike Defensor, pinabulaanang may direktang kaugnayan sa 18 ex-marines