Inakusahan ng tinaguriang "bagman" at umano'y dating aide ni Vice President Sara Duterte na si Ramil Madriaga si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng umano’y kudeta o kaya naman ay assassination laban kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., sakaling hindi raw siya bumaba sa puwesto pagsapit ng 2025.
Inilahad ni Madriaga ang nasabing alegasyon sa kaniyang supplemental affidavit na isinumite sa House Committee on Justice, at pagdalo sa pagdinig nitong Martes, Abril 14, kaugnay ng nagpapatuloy na impeachment proceedings laban kay VP Sara.
Ayon kay Madriaga, ang umano’y plano ay isinasaalang-alang bilang hakbang kung hindi umano magbibitiw sa puwesto si Pangulong Marcos sa itinakdang panahon.
Nabanggit ni Madriaga na nagkaroon daw ng kasunduan noong 2021 sa pagitan ng mga Marcos at Duterte na kailangang bumaba sa puwesto ang una pagdating ng 2025 para bigyang-daan ang pag-upo sa puwesto ni VP Sara bilang Pangulo.
Binanggit ni Madriaga na umano'y personal daw na nakipag-usap ang kapatid ni PBBM na si Sen. Imee Marcos kay FPRRD para sa isang posibleng alyansa sa 2022 presidential elections. Sa nabanggit na pulong, pumayag umano ang dating pangulo na maging bise presidente ni Marcos ang anak na si Inday Sara. Kung sakaling manalo at maupong Pangulo, isa nga raw sa mga napagkasunduan nila ang pagbaba sa puwesto ni Marcos bandang 2025 at pag-upo naman ni Duterte.
Kung hindi raw susunod si Marcos sa napagkasunduan, sinabi ni Madriaga na napag-usapan daw ang mga hakbang na gagawin para mapuwersang mapababa ang Pangulo, kagaya na lamang ng kudeta, mass resignation ng mga opisyal ng pamahalaan, civil disobedience, o mas malala ay asasinasyon sa kaniya.
Bukod dito, nagkaroon din umano ng planong asasinasyon hindi lamang para kay Marcos kundi maging sa iba pang opisyal ng pamahalaan para lumikha ng sigalot, upang mapuwersa ang militar na magsagawa ng kudeta o pag-aaklas laban sa Pangulo.
Gayunman, hindi pa malinaw ang buong detalye ng naturang alegasyon at wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni FPRRD hinggil dito.
Patuloy namang sinusuri ng komite ang mga isinumiteng affidavit at testimonya bilang bahagi ng mas malawak na imbestigasyon sa mga isyung kinahaharap ng kasalukuyang administrasyon.