Ibinalandra ng ilang abogado ang ikinakasa nilang impeachment complaints laban kina Commision on Elections (Comelec) Chairman George Garcia at ilan pang Commissioners nito.
Sa press briefing nitong Lunes, Marso 30, 2026, inilatag nina Atty. Eldrige Marvin Aceron, founder ng Aceron Public Interest and Legal Association at ni Sikini Labastilla, co-founder ng Project Damaskus Lawyers, ang mga reklamo laban sa naturang mga opisyal ng Comelec.
Batay sa 26 pahina ng kanilang reklamo, apat ang grounds ng impeachment complaints na kanilang ikinakasa laban kay Garcia at mga komisyuner na sina Nelson Celis, Ernesto Ferdinand Maceda Jr., Aimee Ferolino-Ampoloquio, Rey Bulay, Maria Norina Tangaro-Casingal, at Noli Pipo.
Sa unang ground, iginiit nila ang culpable violation of Republic Act 8436 bunsod ng paggamit umano ng software version 3.5.0 sa lahat ng 110,000 automated counting machines na ginamit noong Halalan 2025.
Nakasaad naman sa ikalawang round ang betrayal of public trust bunsod ng pag-install at operate ng unauthorized intermediary server na nagdulot umano ng delayed na makakuha ng kopya ng resulta ng eleksyon ang mga accredited transparency serves kagaya ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at National Citizens' Movement for Free Elections (Namfrel).
Direkta namang nakatukoy kay Comelec Chairman Garcia ang ikatlong grounds na nagsasaad ng betrayal of public trust bunsod umano ng paggamit ng single private IP address sa 20,300 vote-counting machine modems.
Habang ang ikaapat na grounds naman ay betrayal of public trust pa rin dulot naman ng "systematic and selective enforcement."
Pinuna rin ni Aceron ang kredibilidad ng Comelec en banc na pawang may mga political affiliations lamang daw.
"Look at all their credentials. They do not have any outstanding academic record. None of them. What they have are political affiliations," ani Aceron.
Samantala, agad namang binutata ni Garcia ang nasabing mga alegasyon at iginiit na dating isyu na raw ang ibinabato sa kanila, na matagal nang napatunayan ng manual counting.
"Ang resulta at credibilidad ng 2022 at 2025 eleksyon ay napatunayan ng random manual audit, mga revision ng balota sa iba't ibang posisyon at lugar, mga citizens' arm, observers, at kinilala ng international community," anang Comelec Chairman.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay walang miyembro ng Kamara ang nag-eendorso ng nasabing impeachment complaints.