Humirit ng tinatayang ₱500 milyon si Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro laban kay Batangas 1st district Rep. Leandro Leviste hinggil sa kasong isinampa sa kaniya ng nasabing mambabatas.
Sa pahayag na inilabas ni Castro nitong Linggo, Marso 22, 2026, iginiit niyang nakapagsumite na raw siya ng kaniyang counter claim at iginiit ang halagang hinihingi niya para sa danyos umano na idinulot sa kaniya ni Leviste.
“I already filed my reply and as part of my counter claim, I am asking for a ₱500 million pesos na danyos, kaka-file ko lang ng answer,” ani Castro.
Aniya pa, siya na rin ang magsisilbing abogado para sa sarili niya sa pagharap sa kasong isinampa sa kaniya ni Leviste.
Matatandaang noong Enero 2026 nang tuluyang magsampa ng reklamong libel si Leviste laban kay Castro, kaugnay ng mga alegasyong iniuugnay daw ng undersecretary sa pangalan niya.
“Hindi ko naman pong nais na masaktan si Usec. Claire Casto ngunit kailangan ko lang pong depensahan ang aking pangalan. Dahil naka ilang vlog na po siya tungkol sa akin,” ani Leviste.
Inihayag din niyang marami pa raw grounds ang maari nilang isampa laban kay Castro.
Saad niya, “At ayon po sa advice ng aking lawyer, maraming salamat po kay Atty. Topacio sa kaniyang guidance, napakarami pong grounds to file a case on Usec. Claire Castro for libel.”
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Leviste, sa pagsasampa ng kasong libel: 'Hindi ko nais masaktan si Usec. Claire Castro!
Samantala sa hiwalay na pahayag sa pamamagitan ng kaniyang opisyal na Facebook account nito ring Linggo—naglabas ng sagot si Leviste hinggil sa kabayaran ng danyos na hinihingi sa kaniya ni Castro.
“Humihingi si USec Claire Castro na bayaran ko siya dahil sa ‘sleepless nights and anxiety’ na dulot umano ng kasong isinampa ko laban sa kaniya,” ani Leviste.
Dagdag pa niya, “Wala akong obligasyong bayaran siya. Pero kung kailangan niyang magpagamot ngayon, bukal sa loob kong sagutin ang kanyang gastusin sa ospital.”
Habang isinusulat ang artikulong ito ay hindi pa muli naglalabas ng tugon si Castro sa naging sagot sa kaniya ni Leviste.