Inanunsiyo ng manunulat at S.E.A. Write Awardee na si Jerry Gracio ang pagkandidato niya bilang alkalde ng lungsod ng Valenzuela.
Sa isang Facebook post ni Gracio nitong Biyernes, Marso 20, sinabi niyang “vovongga” umano ang Valenzuela kung mapapalitan si Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian.
Ito ay matapos niyang ilatag nang isa-isa ang kasalukuyang problema ng lungsod tulad ng lubak, traffic, baha, at iba pa.
“Hindi lang gaganda, vovongga ang Valenzuela kapag napalitan si Wes Gatchalian. Dahil dito, pormal kong idinedeklara ang aking kandidatura sa pagka-Mayor,” saad ni Gracio.
Dagdag pa niya, “Wala akong pera, wala akong makinarya, wala akong kapangyarihan. Pero kaya kong patakbuhin ang City Hall kasama ang taumbayan, lalo na ang kabataan, lalo na ang mga manggagawa na bumubuo sa kalakhang bahagi ng ating Lungsod.”
Gayunman, hindi isinasara ni Gracio ang posibilidad ng pag-atras kapag may seryosong kandidato na matino, hindi trapo, hindi bahagi ng political dynasty, o kaya ay humingi ng tawad si Gatchalian at inamin ang mga pagkukulang.
“Kung hindi, tuloy ang laban. Samahan ninyo kami para sa VVV: Vonggang Vonggang Valenzuela!” pahabol pa niya.
Matatandaang kamakailan lang ay naglabas ng sentimyento si Gracio matapos makaranas ng karahasan ang utol niya sa tinutuluyan nitong condominium sa Valenzuela.
Maki-Balita: Utol ng writer na si Jerry Gracio pinasok sa condo, hinarass ng mga armado!
Samantala, sa isang video statement na inilabas ni Gatchalian noong Marso 14, tiniyak niya sa publiko na ipatatawag nila ang grupo ni Mark Kevin Gonzales na siyang pangulo ng homeowners association ng condominium para katawanin ang mga residente ng naturang lugar.
Maki-Balita: Mayor Wes, nagsalita sa insidente ng gulo sa Chateau Valenzuela