Nagbigay ng pahayag si Valenzuela City Mayor kaugnay sa nangyaring gulo sa Chateau Valenzuela kamakailan.
Matatandaang kabilang ang kapatid ng manunulat na si Jerry Gracio sa nakaranas umano ng karahasan sa nasabing condominium.
Batay sa kuwento ni Gracio, may kumatok umano sa pinto ng condo ng kapatid niya. Bumungad dito ang mga naka-mask na lalaki, na ayon pa sa deskripsiyon niya ay tila mga bouncer sa club o pulis daw ang postura.
“Kinaladkad siya sa banyo habang sakal sa braso ng lalaki. Maliit lang ang utol ko, bunso namin siya,” saad ng manunulat.
Mahabang panahon na umanong may problema sa condo building ng kaniyang kapatid magmula noong napansin ng mga residente dito na hindi ang mismong opisyal na resibo ang ibinibigay tuwing nagbabayad ng amortization.
Maki-Balita: Utol ng writer na si Jerry Gracio pinasok sa condo, hinarass ng mga armado!
Sa isang video statement ni Gatchalian na mapapanood sa Facebook page ng Valenzuela City noong Sabado, Marso 14, sinabi niyang nakarating na umano sa kanilang kabatiran ang tungkol sa nangyari.
“Una sa lahat,” anang alkalde, “nais kong sabihin na nakarating na po sa aking tanggapan ang mga ulat na 'to. At naintindihan po namin ang bigat ng sitwasyon, lalo na kung may mga pamilyang sangkot kabilang ang mga bata at senior citizen.”
Dagdag pa niya, “Bilang inyong punong-lungsod, hindi namin minamaliit ang ganitong klaseng reklamo. At nais naming ipaalam sa publiko na ang bawat panig ay may karapatan sa due process at legal na proseso.”
Kaya naman ipatatawag umano nila ang grupo ni Mark Kevin Gonzales na siyang pangulo ng homeowners association ng Chateau Valenzuela para katawanin ang mga residente ng naturang lugar.
Samantala, umapela rin si Gatchalian sa mga taga-Valenzuela na maging responsable sa pagpapaskil ng mga impormasyon upang maiwasan ang pagkalito at maproteksyunan ang katotohanan.