April 10, 2026

Home BALITA Metro

Utol ng writer na si Jerry Gracio pinasok sa condo, hinarass ng mga armado!

Utol ng writer na si Jerry Gracio pinasok sa condo, hinarass ng mga armado!
Photo courtesy: Jerry Gracio (FB)

Ikinuwento sa publiko ng writer at S.E.A Write Awardee na si Jerry Gracio ang naging panghihimasok ng 20 umanong armadong kalalakihan sa condo ng kaniyang bunsong kapatid at tangka raw na pagpaslang dito. 

Ayon sa pagbabahagi ni Gracio sa kaniyang Facebook post nitong Biyernes, Marso 13, 2026, sinabi niyang nakarinig umano ng katok sa pinto ang kaniyang utol noong umaga ng Huwebes, Marso 12, 2026. 

“Umaga, nakarinig siya ng mga katok sa pinto. Kinabahan siya. Dahil mag-isa sa bahay, itinago niya ang kanyang mga aso sa banyo,” pagsisimula niya. 

Base sa kuwento ni Gracio, agad umanong bumungad sa kaniyang kapatid ang mga naka-mask na lalaki, na ayon pa sa deskripsiyon niya ay tila mga bouncer sa club o pulis daw ang postura. 

“Pagbukas ng pinto, bumungad ang mga naka-mask na kalalakihan. Malalaki. Parang mga bouncer sa club, parang mga pulis. Nang makitang hawak niya ang video, pilit na inagaw ang phone niya. Hinawakan siya sa kamay ng dalawa. Sinakal ng isa. Naririnig niya: ‘H’wag dito!’” anang writer. 

Metro

‘Libreng almusal at tanghalian’ sagot na ng DSWD para sa mga tsuper!

Dagdag pa niya, “Kinaladkad siya sa banyo habang sakal sa braso ng lalaki. Maliit lang ang utol ko, bunso namin siya.” 

Ani Gracio, nagkamalay na lamang daw ang kaniyang kapatid habang katabi ang kapitbahay sa condo na tinitirahan nito. 

“Nang magkamalay, nasa tabi na niya ang kapitbahay nila. Malaki rin ang kaha, malaking tao kaya siguro nakalusot mula sa mga goons. Wala na ang mga kalalakihan,” aniya. 

Paliwanag ni Gracio, matagal na raw may problema sa condo building ng kaniyang kapatid magmula noong napansin ng mga residente dito na hindi ang mismong opisyal na resibo ang binibigay sa kanila tuwing nagbabayad ng amortization. 

Giit niya, “Ni walang pangalan ng Globe Asiatique na siya diumanong may-ari ng condo buildings.” 

Anang writer, lumapit raw noon ang mga residente sa condo building, kasama ang kaniyang kapatid, sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at napag-alaman nilang marami raw problema ang nasabing building. 

Pinayuhan daw ng BIR ang mga residente na huwag munang magbayad hangga’t hindi naaayos ang aberya sa ownership ng Globe Asiatique sa condo building. 

Matapos nito, saka raw nagsimula ang pangha-harass ng mga armadong lalaking pumupunta sa unit ng mga residente sa building at sinisira ng mga ito ang toilet bowl, lababo, sahig, at hinahagis sa labas ang gamit ng mga may-ari ng unit. 

Pagpapatuloy niya, “Kalaunan, kahit may tao, pinapasok na rin nila.” 

Pagpapatuloy ni Gracio, apat na unit daw ang pinasok ng armadong kalalakihan noong Huwebes, kasama na ang unit ng kaniyang kapatid, at tila raw walang patawad sa paggamit ng dahas ang mga ito. 

“Sa isang unit, solo parent ang occupant. May batang nakaupo at kumakain sa loob. Hinila nila ang upuan ng bata na lumagapak sa semento. Wala silang patawad,” ani Gracio. 

Habang nangyayari umano ang insidente, tumawag sina Gracio sa 911 at sumagot ang Police Station 6 ng Valenzuela, ngunit tila pakipot pa raw ang mga pulis bago sila rumesponde. 

Diin ni Gracio, tinatawagan pa raw niya ang kaniyang kaibigan sa city hall at Mayor’s Office ng Valenzuela upang mapagalaw ang mga pulis. 

“Kailangan ko pang tawagan ang mga kaibigan sa city hall, ang Mayor’s Office mismo para rumesponde ang mga pulis dahil ayaw nilang makialam. Private property daw ang Chateau. Pinapatay na ang utol ko, hina-harass ang mga tao, ayaw nilang makialam?” kuwestiyon niya. 

Dahil dito, tila matiwasay umanong nakatakas ang mga armadong lalaking nagtangkang kumitil sa buhay ng kaniyang kapatid. 

“Ayun, nakatakas ang armadong kalalakihan na nang-harass na naman sa mga residente at nagtangkang pumatay sa utol ko,” inis niya. 

Samantala, kumilos at ipinag-utos naman daw ng konsehal ng Valenzuela na si Atty. Bimbo Dela Cruz sa mga tao nito na bantayan ang condo building na tinitirahan ng kaniyang kapatid hanggang gabi. 

Pinayuhan naman ni Gracio ang kaniyang kapatid na pansamantalang umalis muna sa condo building at tila nagawa pa niyang magbanta na hahantingin daw niya ang mga armadong lalaki kung may nangyaring masama sa kaniyang utol. 

“Sinabi ko sa utol ko na umalis na sa Chateau pansamantala. Pero kasuhan ang dapat kasuhan. Dahil kung namatay ang utol ko, na bunso namin, patawarin ako ng Diyos, hahantingin ko kayo,” pagtatapos niya. 

MAKI-BALITA: Jerry Gracio tinalakan Amerika: ’Umaasta na namang pulis pangkalawakan ang US!’