Nagdulot ng “extensive damage” ang mga airstrike ng Iran sa pinakamalaking gas hub sa mundo na matatagpuan sa Ras Laffan, Qatar, ayon sa energy company ng nasabing bansa na QatarEnergy nitong Huwebes, Marso 19, 2026.
Ayon sa ulat, agad na rumesponde ang mga emergency team upang apulahin ang malawakang sunog sa pasilidad matapos itong tamaan ng mga missile.
Nauna nang nagbanta ang Iran na targetin ang mga imprastraktura ng enerhiya sa Gulf kasunod ng pag-atake ng United States at Israel sa kanilang sariling pasilidad.
Sa pahayag ng foreign ministry ng Qatar, kinondena nito ang insidente bilang isang “brutal Iranian attack targeting Ras Laffan” at iginiit na ito ay isang “direct threat to its national security”.
Kalaunan, inatasan ng Qatar ang mga military at security attaché ng Iran na umalis ng bansa sa loob ng 24 oras.
Samantala, sinabi ng defense ministry ng Qatar na dalawang ballistic missile na pinakawalan ng Iran ang kanilang nasabat, at wala umanong naitalang nasawi. Idinagdag ng civil defense na kontrolado na ang sunog sa nasabing pasilidad.
Batay pa sa mga ulat, nag-ugat ang insidente ilang oras matapos tamaan ng US-Israeli strikes ang mga pasilidad ng Iran sa bahagi ng South Pars gas field—isang malaking reserba ng gas na pinaghahatian ng Iran at Qatar.
Bunsod nito, nagbabala si Iranian President Masoud Pezeshkian ng “uncontrollable consequences” sa anumang pag-atake sa mga energy infrastructure.
Sa hiwalay na ulat, nagbanta ang Iran na sisirain nito ang mga pasilidad ng enerhiya sa Gulf kung magpapatuloy ang pag-atake sa kanilang sektor.
Ayon pa sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), maglulunsad sila ng karagdagang opensiba sa mga karatig bansa.
Noong Miyerkules ng gabi, Marso 18, nagpakawala ang Iran ng sunod-sunod na drone at missile patungo sa mga bansang Gulf area. Ilang malalakas na pagsabog ang narinig sa Riyadh, habang may na-intercept ding banta ng missile sa United Arab Emirates (UAE).
Apat na katao ang nasugatan sa Riyadh matapos mahulugan ng debris mula sa na-intercept na ballistic missile, ayon sa civil defense.
Sinabi naman ng defense ministry ng Saudi Arabia na apat na missile ang kanilang napigil, bagamat may isang fragment ang bumagsak malapit sa isang refinery sa timog ng kabisera.