Bumagsak sa ₱60 ang palitan ng piso laban sa dolyar ng Amerika nitong Huwebes, Marso 19, ayon sa datos ng Bankers Association of the Philippines (BAP).
Batay sa ulat ng Manila Bulletin, agad na bumulusok ang piso sa intraday low na ₱60.39 sa pagsisimula pa lamang ng kalakalan, hudyat ng patuloy na paghina ng lokal na pera sa gitna ng mga salik na nakaaapekto sa ekonomiya, kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis na karaniwang nagpapabigat sa mga bansang umaasa sa importasyon.
Nagbukas ang piso sa ₱59.90, mas mahina kumpara sa naitalang pagsasara kahapon ng Miyerkules, Marso 18, na nasa ₱59.520 kada dolyar.
Saad pa sa ulat, ayon sa mga analyst, nananatiling sensitibo ang piso sa galaw ng pandaigdigang merkado, lalo na sa pagtaas ng demand sa dolyar at pagbabago sa presyo ng krudo.
Maaari din itong makaapekto sa presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa kung magpapatuloy ang depreciation o pagbagsak ng piso.
Ito na ang pinakamababang halaga ng piso kontra dolyar simula nang maganap ang tensyon sa Middle East sa bandang pagtatapos ng Pebrero hanggang sa kalagitnaan ng Marso.