Ikinagulat ng mga manonood, netizens, at maging ng mga host ng "TiktoClock" ang pagkawala ng ulirat ni seven-time defending champion na si Eula Bautista sa segment na “Tanghalan ng Kampeon” nitong Martes, Marso 10.
Naganap ang insidente habang isinasagawa ni Bautista ang kaniyang back-to-back tapatan performance laban sa kapwa grand finalist na si "Princess Palti."
Sa kalagitnaan ng kaniyang pagkanta, bigla siyang hinimatay, dahilan upang agad na ihinto ang programa at mag-commercial break.
Agad namang rumesponde ang medical team ng programa upang mabigyan ng paunang lunas ang grand finalist.
Sa pagbabalik ng programa, nagbigay ng update ang host na si Kuya Kim Atienza at ang puno ng inampalan ng kompetisyon na si OPM singer Renz Verano hinggil sa kalagayan ni Bautista.
Ayon kay Kuya Kim, nagkaroon ng emergency sa loob ng studio matapos mawalan ng malay ang kampeon.
Pahayag niya, "Mga Tiktropa, kung nakita ninyo ang nangyari kanina, nagkaroon po ng emergency dito sa studio. Hinimatay ang kampeon na si Eula Bautista. Kinailangan nating mag-commercial break para matugunan ng ating medical personnel si Eula,” ani Atienza.
“Sa ngayon ay kasalukuyan pong inoobserbahan ng medical team ang kalagayan ni Eula,” pahayag pa ng host.
Nagbigay rin ng mensahe si Renz Verano at iginiit na pangunahing prayoridad ng programa ang kalusugan ng mang-aawit.
“Priority po natin ay ‘yong kalusugan ni Eula. We’re hoping and praying na okay naman siya. First time po na nangyari ito kaya medyo na-shock kami sa nangyari,” ani Verano.
Ayon pa sa mga host, dahil ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng ganitong insidente sa kompetisyon, pag-uusapan pa ng pamunuan at mga hurado kung paano ipagpapatuloy ang laban sa nabanggit na kompetisyon.
Inanunsyo rin ni Verano na maglalabas sila ng opisyal na desisyon sa Miyerkules, Marso 11, hinggil sa magiging takbo ng kompetisyon matapos ang nangyari.
Nanawagan din ang mga host sa mga manonood na ipagdasal ang agarang paggaling ng mang-aawit.