March 08, 2026

Home BALITA National

DOLE, bukas aralin ang 4-day workweek proposal para makatipid sa enerhiya

DOLE, bukas aralin ang 4-day workweek proposal para makatipid sa enerhiya
Photo courtesy: via Balita


Ibinahagi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na bukas ang kanilang ahensya na pag-aralang mabuti ang panukalang four-day workweek para sa mga manggagawa.

Kaugnay ito sa panawagang bawasan ang binubunong araw ng mga manggagawa kada linggo para makatipid sa enerhiya—hinggil sa nagaganap na krisis na dala ng tensyon sa pagitan ng mga bansa sa rehiyon ng Gitnang Silangan.

KAUGNAY NA BALITA: Palasyo sa Four-day workweek proposal: ‘Maaaring pag-aralan ng Pangulo’-Balita

Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay DOLE spokesperson Asec. Lennard Constantine Serrano nitong Biyernes, Marso 6, inilahad niya ring nakasaad na sa mga exisiting policies ang naturang panawagan.

“Siguro maaari pong aralin po ito nang mas maigi,” panimula ni Serrano.

Aniya, “Pero kung sa atin pong existing rules, mayroon na po tayong tinatawag na ‘flexible work arrangement’—existing naman na po ito na maaring bawasan po ang araw ng trabaho. Kunwari from six days to five days o five days to four days.”

“At the same time, mame-maintain po ‘yong oras ng trabaho. So kunwari in a workweek, mayroon po tayong 40 hours of work na 5 days, puwede naman po itong mabawasan based on agreement ng mga namumuhunan at manggagawa—babawasan po ito to four days at mame-maintain naman po ang oras ng trabaho. That’s already po existing sa ating policy framework,” dagdag pa niya.

Giit ng DOLE, maaari pa itong pag-aralan lalo na ang mga posibleng implikasyon nito tulad ng “productivity,” oras na ginugugol ng mga ito sa pagtatrabaho sa loob ng isang linggo, at ang suweldong matatanggap ng bawat manggagawa.

Dagdag pa ng ahensya, nasa existing policies din naman ang pag-compress o pagsiksik ng oras sa isang linggo, kung halimbawang mababawasan ito ng isang araw—basta’t ito raw ay nakabase sa “mutual consent” ng manggagawa at employer nito.

Vincent Gutierrez/BALITA