Hindi na kinakailangang pumila ng mahaba dahil idinagdag na ng isang e-wallet platform sa kanilang app ang pagproseso at pagkuha ng mga dokumento mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa GCash, gamit ang “PSAHelpline” sa kanilang “GLife” feature, puwede nang makuha ng publiko ang kanilang PDF (Portable Document Format) man ito o pisikal na kopya, na ipapa-deliver sa kanilang address.
Saad pa ng GCash, ang nabanggit na PSA documents ay ang mga sumusunod: birth, marriage, at death certificates, CENOMAR (Certificate of No Marriage) at CENODEATH (Certificate of No Death).
Paalala rin e-wallet platform sa publiko na upang ma-avail ang feature na ito, tiyakin na “fully verified” ang kanilang account at updated ang kanilang pangalan at birthday.
Anila pa, siguraduhin na may sapat na balanseng laman sa e-wallet upang direktang mabayaran ang fees.
Sa pakikipagtulungan ng PSA sa GCash at service provider na Pilipinas Teleserv, layon ng integrasyon at serbisyong ito na mas mapalawak ang digital access ng publiko sa kanilang mga dokumento.
Sean Antonio/BALITA