Tinanggap na ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes ang paumanhin ng tagasuporta ni Vice President Sara Duterte matapos nitong magpakalat ng fake quote.
Matatandaang ayon sa naturang supporter, sinabi umano ni Dingdong na nakikita nito ang tapang at talino ni VP Sara sa amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakapiit sa The Hague, Netherlands.
Maki-Balita: Dingdong Dantes, pinabulaanan pahayag ng pagkiling kay VP Sara
Ito ay matapos ianunsiyo ng Bise Presidente na kakandidato siya bilang Pangulo sa 2028 elections.
Kaugnay na Balita: VP Sara, inanunsyong tatakbong Pangulo sa 2028!
Ngunit itinanggi ni Dingdong na naghayag siya ng pagkiling kay VP Sara sa pamamagitan ng isang Facebook post.
Aniya, “Hindi ko ito sinabi.”
Agad namang humingi ng paumanhin ang supporter ng Bise Presidente at binura ang post niya na naglalaman ng pekeng impormasyon.
Kaya sa latest Facebook post ni Dingdong nitong Sabado, Pebrero 21, pinatawad na niya ito.
“Dingdong Dantes said: Apology accepted,” saad ng aktor.
Dagdag pa niya, “Nawa’y maging mas mapanuri po tayong lahat, lalo na sa misinformation at disinformation… at sa bawat diskurso, piliin sana natin ang respeto sa kapwa Pilipino. Peace!”
Nagpasalamat naman ang supporter ni VP Sara sa tinuran ni Dingdong.