May 14, 2026

Home BALITA

₱90M flood control project na iniuugnay kay Revilla, walang accomplishment!—DPWH

₱90M flood control project na iniuugnay kay Revilla, walang accomplishment!—DPWH
Photo courtesy: MB file photo

Iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na walang nakikitang estruktura ang ₱92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan na kinasasangkutan sa kasong malversation laban kay dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr.

Sa isinagawang contingent inspection ng Sandiganbayan Third Division nitong Miyerkules, Abril 15, 2026, sinabi ni DPWH Bulacan First District Engineering Office Officer-in-Charge Kenneth Fernando na wala umanong nakikitang accomplishment sa proyekto.

“Based on visual inspection, there is no seen accomplishment, your honor,” ani Fernando nang tanungin ng media ukol sa estado ng proyekto.

Ang naturang proyekto na tinukoy ng prosekusyon bilang isang “ghost project” sa ilalim ng kontratang nagtatapos sa numerong 299, ay inaasahang may habang 128 metro. Gayunman, walang nakitang anumang estruktura sa buong lugar.

Nang tanungin kung bakit niya nasabing walang accomplishment, iginiit ni Fernando, “Because there are no structures seen, your Honor.”

Politics

'God does not doubt me!' SP Cayetano, may talak sa bashers ng liderato niya

Kinontra naman ito ng mga abogado ni Revilla na nagsabing maaaring nakabaon sa ilalim ng lupa ang mga sheet pile at kulang umano sa teknikal na batayan ang naging pagsusuri.

Dahil dito, inatasan ni Sandiganbayan Third Division Chairperson Karl Miranda ang mga maintenance personnel ng DPWH na beripikahin kung may nakabaong sheet piles sa lugar.

“The court should be able to satisfy itself,” ani Miranda, na siya lamang ang naglakad sa kabuuan ng damuhan at hindi pantay na bahagi na umano’y lokasyon ng proyekto.

Matapos putulin ang matataas na damo sa lugar, nakakita ang maintenance crew ng hindi bababa sa tatlong set ng halos hindi na makita at kinakalawang na sheet piles.

Isinagawa ang inspeksyon matapos magbigay ng magkakaibang pahayag ang dalawang testigo ng prosekusyon hinggil sa lokasyon ng proyekto, kabilang ang isang testigo mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na tumuro sa katabing lugar.

Ayon sa prosekusyon, pinatitibay ng inspeksyon ang kanilang alegasyon na ghost project ang ₱92.8-milyong proyekto sa kabila ng natagpuang mga kinakalawang na sheet piles.

Samantala, kinilala ng depensa na walang nakikitang estruktura sa ibabaw ngunit iginiit na may nakabaong sheet piles at concrete piles sa pampang ng ilog.

Nilinaw naman ni Miranda na hindi matukoy ng inspection team kung gaano kalalim ang mga sheet piles at nakita lamang ang mga ito sa ilang bahagi ng lugar.