Boluntaryong sumuko sa Manila Police District (MPD) ang mag-amang suspek sa pananaksak at pagpatay sa kanilang kapitbahay habang naglalaro ng video games sa loob ng isang computer shop sa Tondo, Manila noong Abril 13.
Basahin: Lalaking naglalaro ng video games sa computer shop, pinagtulungan umanong saksakin
Ang mga suspek na sina Jeffrey Saludar, 49, at anak niyang si Jefferson, 25, ay iniharap sa publiko ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, sa pamamagitan ng programang Talk To The People ng Manila Public Information Office (MPIO).
Ayon kay Domagoso, ang mag-ama ay boluntaryong sumuko sa MPD-Raxabago Police Station 1 (PS-1) at umamin sa pananaksak at pagpatay sa biktimang si Jhon Jhon Bacolod, 46, sa loob ng isang computer shop sa Happyland, Tondo.
Anang mga suspek, wala umano silang intensyon na patayin ang biktima at nais lamang sana itong kausapin kaugnay sa tangkang pananaksak sa nakababatang suspek noong Abril 12.
Gayunman, nagkaroon umano ng tensyon at bago pa makabunot ng patalim ang biktima, ay inunahan na nila ito ng saksak.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Domagoso na kailangan pa ring panagutan ng mag-ama ang kanilang ginawa.
“The end does not justify the means. Kailangan ninyong harapin ang ginawa ninyo. Kailangan makamit ng biktima ang hustisya,” anang alkalde.
Nakapiit na ang mag-ama na nahaharap sa kasong murder sa piskalya.