Kailan mo aaminin ‘yan?
Bukod sa Valentine’s Day, ipinagdiriwang din ang “Confession Day” tuwing Pebrero para mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na umamin sa itinatagong pag-ibig at tunay nilang nararamdaman.
Gayunpaman, para sa ilan, ang pag-amin ng nilalaman ng puso ay isang “go big or go home” na gawain dahil sa paggawa nito, inilalahad ng indibidwal sa isang tao ang emosyon niya na kadalasa’y itinatago sa lahat.
Narito rin ang “fear of rejection” mula sa tao na pagbubuhusan ng damdamin, at ang posibleng ilangan pagkatapos ng pag-amin.
Kaya hinihintay ng marami ang “right timing” bago isagawa ang high-risk na pag-amin.
Ayon sa pag-aaral ng Psychology Today, habang walang fixed timeline sa mga relasyon, mahalagang tandaan na dalawang bagay ang makokonsidera na “wrong timing” sa pag-amin ng nararamdaman.
Ito ay kung maaga pa masyado para masabing tunay nga na pag-ibig at commitment ang nararamdaman at kung hindi ito bukal sa kalooban, lalo na kung may hidden agenda sa likod nito tulad ng sexual na benepisyo ng posibleng relasyon o insecurity.
Kaya ayon sa ilang pang pag-aaral, mahalagang bago pa man umamin sa nararamdaman, maging malinaw na sa motibo, at tiyakin na gagawin ito dahil sa pagmamahal at hindi dahil sa desperasyon o kalungkutan.
Anila pa, ang pag-amin ng nararamdaman ay mainam gawin kung ang intimate moment ay walang bahid ng pressure mula sa mismong tao na kakausapin o anumang pag-aabuso.
Dahil ang pag-amin ay halong emosyonal at lohikal, mahalaga rin na maging handa sa posibleng rejection o ilangan, dahil sa mga sitwasyon na ganito, ang kadalasan na tanging napaghahandaan lamang ay ang sarili at hindi ang magiging reaksyon ng pag-aaminan.
Anuman ang maging kalabasan ng confession, ang paglalahad ng nararamdaman ay nakatutulong para mapagaan ang nararamdaman ng isang indibidwal dahil nabibigyan ng “disclosure” ang isang sitwasyon, ayon sa Scientific American.
Bukod dito, sa pamamagitan ng pag-amin, natututo ang indibidwal na i-let go ang kaniyang “fear of rejection” at mas maging tapat sa nararamdaman, ayon naman sa advice na ibinahagi ng life coach na si Nathaniel Chua sa media.
Sean Antonio/BALITA