Isang 71-anyos na senior citizen ang nailigtas ng pulisya matapos bihagin ng isang lalaki sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay Malainen, Naic, Cavite.
Ayon sa mga awtoridad, bandang 9:00 ng gabi nang sapilitang pumasok ang 32-anyos na suspek sa bahay ng biktima habang armado ng patalim at isinagawa ang hostage-taking.
Ikinulong umano nito ang matanda sa loob ng bahay at hindi pinayagang makalabas.
Napag-alamang takot na takot ang suspek at sinasabing may dalawang lalaking humahabol sa kaniya at nais siyang patayin.
“Pinagbantaan po siyang papatayin kapag ho siya ay nilapitan ng dalawang iniimagine niya po na papatay daw po sa kaniya,” ayon kay P/Lt. Col. Jefferson Ison, hepe ng Naic Municipal Police Station.
Humiling din ang suspek na makausap ang kaniyang kapatid at kinakasama. Ayon sa pulisya, nagkaroon umano ng alitan ang dalawa bago ang insidente.
"Ito pong girlfriend ay umalis nagpaalam muna, pinagbibintangan kasi niya na may kinakasamang lalaki which is wala naman,“ sabi ni Ison.
Dagdag pa ng opisyal, “Hindi siya nagkakain tapos uminom pa ng alak, lasing kaya medyo pumasok sa isipan niya yung ganoong senaryo.”
Hiniling din ng hostage-taker ang presensya ng kanilang barangay captain para sa negosasyon. Subalit sa kabila ng pakikipag-usap at pagpapakalma sa kaniya, tumanggi itong sumuko kaya napilitang pasukin ng pulisya ang bahay.
“Nang pagdating ko po doon ay kinausap ko siya at pinakalma ko siya, pinapainom ko nga po ng tubig pero ayaw niya, then dumating po si kapitan noon napansin ko po na kahit andoon po yung presence ni kapitan ay hindi rin po siya susuko eh ginawa na po namin na pasukin po yung bahay po through the backdoor,” ani Ison.
Bandang 11:48 ng gabi, matapos ang mahigit dalawang oras na tensiyon, natuldukan ang hostage situation at naaresto ang suspek.
Nahaharap siya ngayon sa kasong slight illegal detention sa ilalim ng Revised Penal Code.
Walang namang natamong pinsala ang senior citizen sa insidente.