February 11, 2026

Home FEATURES Balitang Pag-Ibig

#BalitaExclusives: May trobol ba sa relasyong 'throuple?'

#BalitaExclusives: May trobol ba sa relasyong 'throuple?'
Photo courtesy: Freepik (for representation only)

Sa isang lipunang matagal nang hinubog ng ideya na ang pag-ibig ay para lamang sa dalawa, unti-unting lumilitaw ang mga kuwentong sumasalungat sa nakasanayan, o norms ng lipunan.

Isa na rito ang "throuple," isang romantic relationship binubuo ng tatlong taong kusang-loob at may malinaw na pahintulot na magmahalan sa isa't isa.

Hindi ito simpleng “love triangle,” na kadalasang may lihim, panlilinlang, at nasasaktang damdamin. Sa throuple, malinaw ang usapan: alam ng lahat ang setup, may hangganan, at may responsibilidad ang bawat isa sa emosyon ng kapwa nila kasali.

Ang salitang throuple ay mula sa dalawang salitang pinagsama na "three" at "couple" na nangangahulugang "three couple" o tatlong taong itinuturing ang kanilang mga sarili bilang magkakarelasyon.

Balitang Pag-Ibig

#BalitaExclusives: Lalaki, 'open' ipamigay jowa niya sa iba, bakit?

Para sa maraming miyembro ng LGBTQIA+ community, nagiging espasyo ang throuple upang muling hubugin ang konsepto ng pamilya at commitment, lampas sa tradisyonal na hulma.

Ganito ang kuwento nina Miguel, Paolo, at Andre mula sa City of San Jose Del Monte, Bulacan (mga hindi tunay na pangalan), tatlong beki na magkasamang bumuo ng isang throuple sa loob ng halos apat na taon.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Miguel (na may consent kina Paolo at Andre), una raw muna silang nagkakilala ni Paolo walong taon na ang nakalipas. Limang taon silang magkasintahan bago nila nakilala si Andre, isang freelance illustrator na naging kaibigan muna nila bago naging bahagi ng kanilang relasyon, na nakilala naman nila sa isang "clan."

"Pareho naming gusto ni Paolo si Andre," kuwento ni Miguel.

"Nang mga sandaling iyon, ang setup namin ni Paolo, dahil matagal na kami, eh open relationship kasi nga kasama kami sa clan. Tapos nakilala namin si Andre. Pareho naming bet si Andre, tapos one time inaya namin siya ng threesome. Pumayag naman siya," kuwento pa ni Miguel.

At dahil sa nangyari sa kanilang tatlo, nagtuloy-tuloy na raw ito hanggang sa lumalim ang nararamdaman nina Miguel at Paolo para kay Andre.

Si Andre naman, nagkaroon din ng damdamin para sa mag-jowa.

"Eh ayaw naman naming maghiwalay ni Paolo, kaya naisipan namin, why not throuple na lang. Naririnig din namin yung term na 'yan sa mga ka-clan namin, ginagawa raw sa ibang bansa," anang Miguel.

"Pumayag naman si Andre, so we decided nga na tatlo na kami sa relasyon. Mahal namin ang isa't isa. Bawal ang lihiman. Walang mas matimbang."

DYNAMICS NG RELASYONG THROUPLE

Kuwento pa ni Miguel, sa unang mga buwan ng pagiging tatlo, napagtanto nina Miguel, Paolo, at Andre na hindi sapat ang pagmamahal lang. Kailangan itong samahan ng malinaw na kasunduan; hindi bilang limitasyon, kundi bilang gabay kung paano nila poprotektahan ang isa’t isa, lalo na sa iba't ibang uri ng sakit na kaakibat ng pakikipagtalik sa iba.

Nag-umpisa ang lahat sa isang simpleng pangako: walang gagawing hindi alam ng tatlo. Kung may ideya, damdamin, o pag-aalinlangan, inuuna muna nila ang pag-uusap. Natutuhan nilang kapag may isang hindi komportable, hihinto ang lahat. Walang pilitan. Walang “tiisin mo na lang.”

May mga araw na mas magkasama ang dalawa at natural lang daw iyon. Ngunit sinigurado nilang hindi kailanman mararamdaman ng isa na siya ang naiwan. Kaya gumawa sila ng rule: may mga gabing para sa tatlo, at may mga araw na sadyang para sa dalawa. Hindi ito bilang pagbibilang ng oras, kundi bilang pag-alala na bawat relasyon sa loob ng throuple ay mahalaga.

"Medyo nahirapan kami sa simula kasi nga, tatlo kami. Noong kami nga lang ni Paolo, medyo mahirap na, lalo na noong tatlo kami. Pero mahal kasi naming pareho si Andre, at ayaw namin siyang mawala," ani Miguel.

Hindi rin nawala ang selos. Dumating ito sa maliliit na anyo: isang yakap na parang mas mahaba sa isa kaysa sa isa, isang tawanan na tila mas malapit. Ngunit imbes na manahimik o magtampo, natutuhan nilang magsalita agad. May hindi nakasulat na panuntunan: ang selos ay sinasabi, hindi itinatago. Mas mabuti raw ang masakit na katotohanan kaysa tahimik na hinanakit.

Tuwing linggo, umuupo silang tatlo: walang cellphone, walang istorbo. Tinatanong nila ang isa’t isa kung okay pa ba, kung may kulang, kung may nasasaktan. Hindi ito madaling pag-uusap, pero dito sila natutong makinig nang hindi nagtatanggol, at umunawa nang hindi naghuhusga.

Kapag may alitan, nananatili iyon sa pagitan nila. Walang paglalabas ng sama ng loob sa iba, walang pag-post sa social media. Para sa kanila, ang relasyon ay hindi palabas—ito ay responsibilidad.

At kung dumating man ang araw na may gustong umalis, napagkasunduan nila na hindi iyon gagawin nang biglaan o marahas. Ang pag-alis, tulad ng pananatili, ay dapat may respeto.

Sa huli, ang pinakamahalagang patakaran nila ay hindi nakasulat: araw-araw, pinipili nila ang isa’t isa—hindi dahil madali, kundi dahil totoo.

Hindi raw palaging perpekto ang buhay-throuple. May mga araw na may tampuhan, may selos, at may pakiramdam na kulang ang oras.

Isa pa sa pinakamabigat na hamon para sa kanila ang pagtanggap ng iba, lalo na ng pamilya. Hindi raw tanggap ng pamilya nina Miguel at Paolo ang setup nilang dalawa, at mas lalo pa raw nang malaman nilang may Andre pa silang tinanggap sa buhay nila.

Hindi naman nabanggit ni Miguel kung alam ba sa pamilya nina Paolo at Andre ang kanilang makulay na setup.

Sa huli, sinabi ni Miguel na hindi para sa lahat ang throuple. Hindi rin nito layong palitan ang monogamous na relasyon, lalo't hindi ito legal sa Pilipinas maging sa ibang bansa. Ngunit para sa kanila, ipinapaalala nitong ang pag-ibig ay hindi iisang anyo lamang.