Isang batang babae ang patay nang malunod matapos na maligong mag-isa sa swimming pool ng isang resort sa Rodriguez, Rizal noong Linggo, Pebrero 8.
Kinilala ang biktima na si alyas "Cyan," 6, Grade 1 student, at residente ng Brgy. Burgos, Rodriguez.
Batay sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, dakong alas-12:30 ng tanghali nang maganap ang insidente sa loob ng isang resort sa Brgy. San Rafael, Rodriguez.
Sa salaysay ng tiyahin ng biktima, kasama umano nila ang bata na maligo sa resort nang mapunang nawawala ito at inakalang bumalik sa kanilang inupahang cottage.
Nang hindi makita ang bata, humingi na ng tulong ang tiyahin sa kanilang mga kasamahan upang hanapin ito ngunit nakitang nalulunod na ito sa swimming pool.
Kaagad naman nilang naiahon ang paslit at isinugod sa pagamutan ngunit hindi na umabot pa na buhay.