February 07, 2026

Home BALITA National

VP Sara binira si Sen. Risa: 'Walang kredibilidad ang Akbayan!'

VP Sara binira si Sen. Risa: 'Walang kredibilidad ang Akbayan!'
Photo courtesy: VP Sara Duterte (FB), File Photo

Tila pinahagingan at muling binalikan ni Vice President Sara Duterte ang naging pahayag noon ni Sen. Risa Hontiveros tungkol sa umano’y kapangyarihang hawak niya sa politika. 

Ayon sa inupload na 4:07 minutong video statement ni Duterte sa kaniyang Facebook page nitong Sabado, Pebrero 7, 2026, sinabi niyang wala raw kredibilidad ang Akbayan Partylist para mag-endorso ng impeachment complaint. 

“Mga kababayan, walang kredibilidad ang Akbayan upang mag-endorso o magsumite ng impeachment complaint,” saad niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Di na ito bago!' VP Sara, umalma sa bagong impeachment complaint sa kaniya

National

VP Sara, humanda na bilang unang VP na mai-impeached!—Akbayan Partylist

Ibinahagi rin ni Duterte ang tila ilang ulit na umanong paghahayag ng pinuno ng Akbayan na tatakbo ito bilang Pangulo ng bansa ngunit hindi niya pinangalanan kung sino ang kaniyang tinutukoy. 

Sa kasalukuyan, ang tumatayong Presidente ng Akbayan Partylist ay si Rafaela David, habang mga representative naman nito sina Rep. Percival "Perci" Cendaña, Rep. Chel Diokno, at Rep. Dadah Kiram Ismula. 

“Ilang ulit nang hayagang ipinahayag ng kanilang pinuno ang kanyang intensiyong tumakbo sa pagkapangulo—isang malinaw na indikasyon ng pampulitikang motibo sa likod ng kanilang mga hakbang,” diin niya. 

Nagawa ring balikan ni Duterte ang video at naging pahayag ni Hontiveros tungkol sa kaniya noong Agosto 2024, kung sinabi ng senador na hindi raw magiging madali ang laban ng Akbayan habang nasa kapangyarihan pa rin ang Bise Presidente.

“Habang ang anak niya ay may kapangyarihan pa, hindi magiging madali ang ating laban. While VP Sara is in power, the threat of a full-blown Duterte comeback is still a very real and present danger. For one, they are supported by one major superpower, China,” saad ni Hontiveros na mapapanood sa video statement ni Duterte. 

Ani Duterte, malinaw raw na isang uri ng harassment at pang-aabuso sa proseso ng impeachment case ang ginagawa ng Akbayan. 

“Kaya malinaw na lahat ng ito ay isang uri ng harassment at pang-aabuso sa proseso ng impeachment ng grupong Akbayan. Hindi malinaw kung ano ang ipinaglalaban nila para sa kaayusan ng bayan, pero napakalinaw ng kanilang pamumulitika at pagpapahirap sa usaping diplomasya ng ating bansa,” aniya. 

Pagpapatuloy pa niya, magiging tunay na talunan daw ang sambayanang Pilipino kung mananaig ang pang-aabuso. 

“Sapagkat kapag nanaig ang abuso, ang tunay na talunan ay ang sambayanang Pilipino,” pagtatapos niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Ex-Rep. Castro, positibong uusad impeachment vs VP Sara; 'wag lang makikialam si PBBM?

KAUGNAY NA BALITA: 'Round 2!' Makabayan bloc, naghain ng impeachment complaint vs VP Sara

Mc Vincent Mirabuna/Balita