Kinumpiska at winasak ng mga awtoridad ang ₱48.9 milyong halaga ng marijuana sa Sugpon, Ilocos Sur at Kibungan Benguet.
Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, kinumpirma ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office I information officer Mariepe de Guzman ang mga isinagawang operasyon mula Enero 27 hanggang Enero 30 ng Ilocos Sur Police Provincial Office at local police units.
Ang unang operasyon na isinagawa noong Enero 27 hanggang 28 sa Barangay Licungan, Sugpon, natuklasan ang 46,750 marijuana plants sa iba't ibang plantation sites na may lawak na 10,450-square meters.
Noong Enero 28 hanggang 29, mas maraming marijuana plants ang natuklasan sa boundary ng Barangay Licungan sa Sugpon at Barangay Tacadang sa Kibungan.
Ang lupain ay may sukat na humigit-kumulang 15,400-square meters, kung saan tinanim ang mga marijuana plant na may tinatayang halaga na ₱12.97 milyon.
Sa huling operasyon, nitong Enero 29 hangang 30, ay nagresulta sa pagkakawasak ng 126,900 marijuana plants at 10 kilong dried marijuana, na nasa ₱26.58 milyon ang tinatayang halaga.
Pinuri ni PDEA-Ilocos Director Benjamin Gaspi ang pagsisikap ng mga law enforcement agencies sa pagpigil sa ilegal na droga na makarating sa mga komunidad, lalo na sa mga kabataan.