January 21, 2026

Home BALITA Probinsya

‘All accounted:’ Huling biktima sa Binaliw landslide, nahanap na!

‘All accounted:’ Huling biktima sa Binaliw landslide, nahanap na!
Photo courtesy: BFP R7 Cebu City FS (FB)

Narekober na ng mga awtoridad ang bangkay ng huling biktima sa pagguho ng Binaliw landfill sa Cebu City nitong umaga ng Linggo, Enero 18. 

“As of 0541H, all reported individuals have now been fully accounted for following the dumpsite landslide incident in Barangay Binaliw, Cebu City,” saad sa Situational Report ng Bureau of Fire Protection-Cebu City. 

Base pa sa lathala ng ahensya, tiniyak ng rescue teams na wala nang naiwan na mga nawawalang biktima bago makumpleto ang kanilang “search, rescue, and retrieval operations.” 

Gayunpaman, nananatili ang pakikipag-ugnayan ng ground units at mga ahensya bilang parte ng kanilang post-operation assessments at site monitoring. 

Probinsya

50-anyos na volunteer responder sa Binaliw landfill, nasawi dahil sa sepsis

Sa kabuoang tala, umabot sa 36 ang bilang ng mga katawan na narekober sa landfill, sa loob ng sampung araw na search, rescue, and retrieval operations, na sinimulan noon pang Enero 8. 

Ayon naman sa panayam ni Cebu City Councilor at Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) Chairperson, Dave Tumulak sa media, lahat daw ng narekober na labi ay empleyado ng Prime Waste Solutions, at apat rito ay subcontractors. 

Matatandaan na isinailalim ang Cebu City sa State of Calamity noong Enero 13 bilang paglalaan ng ₱30 milyon suporta sa search and rescue operations, at para masusing matugunan ang isyu ng waste management rito. 

MAKI-BALITA: Cebu City. isinailalim na sa State of Calamity

Ibinaba rin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) - Environmental Management Bureau (EMB) Region VII ang “Cease and Desist Order” sa Prime Integrated Waste Solutions, Inc. noon namang Enero 12. 

MAKI-BALITA: ‘Cease and Desist Order,’ ibinaba ng DENR sa gumuhong landfill sa Binaliw, Cebu City

Sean Antonio/BALITA