Tila mabigat daw sa loob ni Sen. Erwin Tulfo ang pagpirma sa 2026 national budget bilang Vice Chairman ng Bicam sa kabila ng pagkakaroon pa rin umano ng Unprogrammed Appropriations (UAs).
Ayon sa isinagawang press conference ng Kapihan sa Senado sa pangunguna ni Tulfo nitong Huwebes, Enero 8, sinabi niyang hindi raw niya alam kung saan nakuha ni Sen. Imee Marcos ang pagsasabi ng “baboy na, giniling pa” sa 2026 national budget.
MAKI-BALITA: Sen. Imee sa umano’y ‘pambababoy’ sa 2026 budget: ‘Ang pork kahit gilingin, baboy pa rin!’
“I don’t know kung saan nakuha ni Sen. Imee ‘yong idea na ‘yon pero as far as I know bilang Vice Chair ng bicam, talaga namang nakita natin, binantayan natin—naka-live din naman,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Ganoon pa man, may agam-agam ako doon sa mga Unprogrammed [Funds].”
Ani Tulfo, pumirma raw siya sa 2026 national budget nang may mabigat na nararamdaman dahil sa UAs.
“Pumirma nga ako pero, ‘ika nga’ with a heavy heart. Dahil ang tanong natin, bakit kailangan ba natin ilagay sa mga unprogrammed,” aniya.
Paliwanag pa niya, “Unprogrammed is like, kung may pera at saka muna natin popondohan. Kung walang pera, ‘wag mong popondohan. Nangyari nga noong nakaraang taon, ‘di ba, nilipat ‘yong mga may pondo sa Unprogrammed, ‘yong mga Unprogrammed [ay] inakyat dito sa Programmed—minagic-magic. ‘Yan ang kaban ng mga tao, baka maulit muli na ganoon ang mangyayari.”
Samantala, ipinahayag naman ni Tulfo ang pagsang-ayon niya sa pag-veto ni PBBM ng aabot sa ₱92.5 bilyong halaga sa UAs ng 2026 national budget.
“Sang-ayon ako doon. I said ng tama lang na ni-veto ni Presidente ‘yong 92 billion worth na unprogrammed,” ‘ika niya.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Mga item na na-veto ni PBBM mula sa 'Unprogrammed Appropriations' ng 2026 nat'l budget
Ayon pa kay Tulfo, ang kawalan daw talaga ng pondo ng bansa ang problema sa palaging paglalagay ng UAs sa national budget.
“Bago lang ako dito pero bakit mo lalagyan ‘yong mga ganiyan sa unprogrammed na sinasabi ‘pag nagkapondo, e, lagi ngang wala tayong pondo. Lagi ngang deficit tayo, e. Hindi natin name-meet ‘yong target. That’s the problem,” saad niya.
“Nakakapag-isip tuloy ‘yong mga kababayan natin na ‘aha, baka ito ‘yong mga tinatawag na pork barrel, baka may gagalawin sila,’” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: DepEd Sec. Angara, pinasalamatan si PBBM sa paglaan ng ₱1.35T sa sektor ng edukasyon!
MAKI-BALITA: 'Flood control projects budget sa 2026, mas 'specific' sa foreign assisted projects!'—DBM Sec. Toledo
Mc Vincent Mirabuna/Balita