April 13, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Motor taxi driver, doble-tipid sanhi ng pagtaas ng presyo sa petrolyo!

#BalitaExclusives: Motor taxi driver, doble-tipid sanhi ng pagtaas ng presyo sa petrolyo!
Photo courtesy; via Balita

Unti-unti nang nararamdaman ng bawat motorista ang lubhang pagsipa ng presyo sa petrolyo sanhi ng sigalot na kasalukuyang nagaganap sa Middle East. 

Matatandaang Pebrero 28, 2026, pormal na inanunsyo ni United States (US) President Donald Trump ang pag-atake ng United States military sa Iran sa layunin umano nilang protektahan ang mga Amerikano sa rehimen ng kalabang bansa.

Bukod sa Estados Unidos, katulong din nito ang bansang Israel sa pagbayo sa Iran at pagtugis sa mga awtoridad nito. 

KAUGNAY NA BALITA: US Pres. Donald Trump, inanunsyo simula ng major combat operation vs Iran!

Dahil dito, nararamdaman na hindi lang ng Pilipinas kundi pati na rin sa buong mundo ang epekto nito sa kalakalan ng langis, kung saan ang Middle East ang isa sa pinakamalaking rehiyon na nagsu-supply nito. 

Human-Interest

ALAMIN: Mga kadalasang dahilan ng aksidente sa daan at tips para sa kaligtasan sa pagbiyahe

Matatandaang ipinaliwanag na rin sa publiko ni Department of Energy (DOE) Sec. Sharon Garin ang nakatakdang pagtaas ng mga presyo sa petrolyo mula  ₱17 hanggang ₱24 kada litro, na nagsimula na nitong linggo. 

Ani Garin, ang implementasyon ng nasabing pagtaas ng presyo sa petrolyo simula noong Martes, Marso 10, 2026, ang maituturing umano na pinakamataas na pagtalon ng presyo sa petrolyo sa kasaysayan ng bansa.

KAUGNAY NA BALITA: DOE Sec. Garin, inilahad ₱17-₱24 na pagsipa ng petrolyo ngayong linggo!

Higit sa lahat, silang mga nasa marginilisadong sektor o ang mga nasa laylayan ng lipunan ang lubhang makararamdam ng ganitong mataas na pagsipa ng presyo sa petrolyo, partikular ng mga komyuter, driver, estudyante, mga manggagawa, motorista, at iba pa. 

Bunsod ng hindi mapigilang sigalot sa Middle East at pagtaas ng presyo sa petrolyo, ano nga ba ang malaking epekto nito sa kagaya ng mga motor taxi driver? 

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa Angkas driver na si Aries Pascual nitong Martes, Marso 11, 2026, inamin niyang may malaki raw talagang epekto ang pagtaas ng presyo ng gasolina para sa mga kagaya niyang pangunahing komukonsumo nito na ginagamit niya sa kaniyang trabaho. 

“Malaki,” pagsisimula niya, “Malaki ang magiging epekto.” 

Ani Pascual, higit na mas mahirap daw ang kasalukuyang pagtaas ng presyo sa petrolyo dahil hindi pa rin naman umano nagtaas ng presyo sa pamasahe ang ride-hailing app na pinagtatrabahuhan niya. 

“Katulad niyan, hindi naman tumataas ang pamasahe ngayon. ‘Yon ang isang pinakamalaking epekto sa amin. Hindi naman nagtaas ng pasamahe si Angkas, e,” aniya. 

Diin niya, kailangan daw niya, at ng mga katrabaho niya, na magdoble-tipid upang hindi lubhang maapektuhan ng pagtaas ng presyo sa petrolyo. 

“Kaya ngayon ginagawa namin, tipid-tipid na lang,” ‘ika niya. 

Anang rider, utay-utay na raw talaga nilang nararamdaman ang pagtaas ng presyo ng gasolina simula nang pumasok ang linggong ito, lalo na raw at malakas komunsumo ang ginagamit niyang motor. 

“Oo. Grabe na. Masakit. Lalo [na], katulad nitong motor ko NMAX 150, malakas sa gasolina talaga ito. Hindi naman ito katulad ng ibang scooter na tipid,” saad niya. 

Bilang paghahanda, ibinahagi ni Pascual ang ilan sa kaniyang paraan upang mapantay nang husto ang kaniyang pagkonsumo sa gasolina at pagba-budget. 

“Katulad ng sinabi ko kanina, medyo tipid-tipid muna talaga. Kapag may sobra, ilaan na lang talaga sa gasolina. Inilalaan ko na lang talaga,” saad niya. 

Dagdag pa niya, “Kunyari nakapagsakay na ako, medyo maglalaan na talaga ako sa gasolina. ‘Yong kalahati ng kinita ko, ilalaan ko na dito [sa gasolina] para hindi naman ako mahirapan.” 

Kagaya umano ni Pascual, nakikita raw niyang ganito rin ang kinakaharap ng mga katulad niyang rider sa iba pang mga ride-hailing apps. 

“Ganoon din ang experience nila. Lalo sa ibang [ride]-hailing app. Katulad ni Move It [at] JoyRide,” kuwento niya. 

Samantala, tila wala naman daw siyang mabibigay na mensahe sa mga ahensya ng gobyerno kaugnay sa pagtaas ng presyo sa petrolyo dahil alam daw niyang malaki raw talaga ang epekto ng sigalot na nangyayari sa Middle East at hindi raw malayong tumaas rin ang presyo ng mga bilihin. 

“Wala, e. Dahil medyo hindi natin masasabi ‘yong giyera talaga. Malaki talaga ‘yong epekto ng giyera, pati tayo nadadamay. Baka sa susunod, pati mga bigas, mga pagkain, bilihin na rin,” pagtatapos niya. 

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Tigil-giyera, panawagan ng mamamayan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo