Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes, Enero 8, 2025 na paiiralin ng kanilang mga tauhan ang maximum tolerance sa mga deboto sa gaganaping Traslacion kaugnay ng Kapistahan ng Hesus Nazareno sa Maynila.
Ayon kay PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., malinaw ang direktiba sa kapulisan habang isinasagawa ang prusisyon.
“Ang direktiba ko sa ating mga pulis ay maximum tolerance, professionalism, at respeto sa relihiyosong aktibidad,” ani Nartatez sa isang pahayag.
Dagdag pa niya, “May malinaw tayong crowd control measures, designated entry and exit points, at close coordination with the Quiapo Church, LGU, MMDA, BFP, at medical teams.”
Isasagawa ang Traslacion sa Biyernes,Enero 9, kung saan ililipat ang imahe ng Hesus Nazareno mula sa Quirino Grandstand pabalik sa Quiapo Church. Ginugunita nito ang pagdating ng imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno mula Acapulco, Mexico noong ika-1600s at ang paglipat nito mula Bagumbayan patungong Quiapo Church – St. John the Baptist Parish noong 1767.
Noong nakaraang taon, tumagal ng 20 oras at 45 minuto ang prusisyon at dinaluhan ng tinatayang 8.1 milyong deboto, ayon sa PNP.
Sinimulan na ng PNP ang pagpapatupad ng komprehensibong security at crowd control plan noong Miyerkules ng gabi sa pagsisimula ng pahalik sa Quirino Grandstand. Nag-deploy din ng mga pulis sa mga pangunahing lugar gaya ng Quiapo Church at Quirino Grandstand.
“We in the PNP are ready for the Traslacion. The security measures are complete and will be adjusted real-time while coordination with other government agencies are continuously being done, including crowd management plans for the pahalik,” pahayag ni Nartatez.
Dagdag pa niya, “We have deployed a sufficient number of police personnel at the Quirino Grandstand and even in Quiapo to ensure public safety while allowing devotees to properly express their faith.”
Aabot sa humigit-kumulang 18,000 pulis ang idedepoy para sa seguridad ng Traslacion. Ipatutupad din ang gun ban, liquor ban, at pagbabawal sa mga paputok. Nag-deploy rin ang PNP ng mga plainclothes na pulis at intelligence units upang maiwasan ang pandurukot, pagnanakaw, panlilinlang, at iba pang krimen.
May itinayong police assistance desks upang tumulong sa mga senior citizen, persons with disabilities, kababaihan, at mga bata.