Nagpahayag ng kumpiyansa ang pamunuan ng Senado na lalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang ₱6.793-trilyong pambansang budget para sa 2026, matapos umanong matiyak na dumaan ito sa maayos at transparent na proseso.
Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, mula pa sa simula ay nakipag-ugnayan na ang Kongreso sa ehekutibo sa pagbalangkas ng budget, kaya’t inaasahan niyang maaaprubahan ito ng Malacañang.
Iginiit din niya na mahigpit na tinutulan ng bicameral conference committee ang anumang pagtatangka ng huling minutong pagsingit ng mga proyekto.
“I received a lot of text messages asking if we could help them, but I told them directly that what we were accustomed to doing can no longer be done anymore. We can no longer insert projects during the bicam…,” ani Gatchalian.
Dagdag pa niya, “We really want to help but we have to put discipline in order to keep things in order… It’s just frustrating that there were last-minute attempts.”
Binigyang-diin ni Gatchalian na walang “ghost” o kuwestiyonableng proyekto ang itinulak ng mga mambabatas, at ang lahat ng mungkahi na dumaan sa bicam ay sinuri at inayon sa umiiral na alokasyon at prayoridad ng pamahalaan.
Aniya, kahit may political pressure, nanatiling sarado ang komite sa mga insertions..
Layunin umano ng Kongreso na matiyak na ang pondo ng bayan ay mapupunta sa mga programang may malinaw na benepisyo at akma sa mga layunin ng administrasyon.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay hindi pa naaaprubahan ng Pangulo ang nasabing panukalang budget para sa 2026.