January 01, 2026

Home BALITA National

₱500, sapat na pang-Noche Buena! –DTI

₱500, sapat na pang-Noche Buena! –DTI
Photo courtesy: MB

Pinanindigan ng Department of Trade and Industry (DTI) na sapat na ang ₱500 para makabili ng mga ihahanda sa Noche Buena.

Sa panayam ng DZZM Teleradyo kay DTI Sec. Cristina Roque noong Huwebes, Nobyembre 27, ibinahagi niya na sa ₱500 puwede nang mabili ang mga rekado sa mga karaniwang handa ng pamilyang Pinoy tuwing kapaskuhan tulad ng macaroni salad at spaghetti. 

“Kung tutuusin, [sa] ₱500 makakabili na kayo ng ham. Makakagawa ka na ng macaroni salad, makakagawa ka na rin ng spaghetti, depende rin po ‘yan kung ilan ‘yong taong kakain,” ani Roque. 

Gayunpaman, nilinaw ni Roque na depende pa rin sa dami ng pamilya at mga pagkain na ihahain ang magiging budget nila para sa Noche Buena. 

National

Mga hindi maipuputok na paputok, isuko na lang sa awtoridad!—PNP

“‘Yong budget nila, it would really depend kung ano gusto nilang ihain sa kanilang pamilya this coming Christmas. Depende rin kung gaano kalaki ‘yong pamilya. Kung tatlo lang naman kayo, siyempre, mas kaunti ‘yon hindi ba? Kung apat kayo, edi mas malaki nang kaunti,” saad ng Kalihim. 

Binanggit din niya na dahil mayroong bundles, pack, at price freeze na inimplementa ang DTI sa basic at prime commodities hanggang Enero 2026, kumpiyansa sila na makakatipid ang bawat pamilya sa bansa. 

“Dapat ang consumers natin maging vigilant. Alam din po nila dapat ‘yong presyo ng mga bilihin. Ang best po talaga para sa kanila, mag-check sa website tsaka sa social media ng DTI,” abiso ni Roque. 

“Nakapaskil po doon ‘yong presyo ng basic commodities and prime commodities ng noche buena items, ‘yong mga nag-roll back at nag-retain ng presyo,” dagdag pa niya. 

Sean Antonio/BALITA