Kinumpirma ng Kapuso comedienne at TV host na si Pokwang ang pagbabu niya sa countdown variety show na “TiktoClock.”
Ito ay matapos lumutang ang blind item patungkol sa umano’y komedyanteng aalis na isang daily show at nakatakdang palitan ng dramatic actress.
Sa latest episode ng “Showbiz Updates” noong Biyernes, Nobyembre 14, inusisa si Pokwang ni showbiz insider Ogie Diaz hinggil sa bagay na ito.
“Diyos ko,” sagot ni Pokwang, “given na given na naman ‘yong mga clue. Ako talaga ‘yon. Totoo, totoo ‘yong nasa blind item.”
Dagdag pa ng komedyante, “Every 3 months kasi ‘yong renewal ng kontrata namin. So dapat October to December dapat magre-renew. So, hindi na ako nag-renew. Pero hindi ako tinanggal.”
Ayon kay Pokwang, may kaunti raw siyang hiningi sa management na hindi naibigay.
“Totoo naman ‘yon. Nanghihingi tayo ng kaunting karagdagan. Siyempre, alam mo naman, tumataas na rin ang mga bilihin. And dinadagdagan ko naman din ang mga sweldo ng mga nagtatrabaho sa akin,” dugtong pa niya.
Gayunman, nilinaw ni Pokwang na sa kabila ng lahat, thankful pa rin siyang naging bahagi siya ng “TiktoClock” sa loob ng halos apat na taon.