Sumakabilang-buhay na si Chief Legal Presidential Counsel at dating Senate President Juan Ponce Enrile sa edad na 101 nitong Huwebes, Nobyembre 13, sa edad na 101.
Batay ito sa kumpirmasyon ng anak niyang si Katrina Ponce Enrile nito ring Huwebes.
"It is with profound love and gratitude that my father, Juan Ponce Enrile, peacefully returned to his Creator on November 13, 2025, at 4:21 p.m., surrounded by our family in the comfort of our home," saad ni Katrina sa isang social media post.
Matatandaang bago ito ay ibinalita ni Senador Jinggoy Estrada na dinala umano ang dating Senate President sa Intensive Care Unit (ICU) dahil sa pneumonia.
Maki-Balita: ‘Slim chances of surviving,’ Enrile, nasa ICU—Sen. Jinggoy Estrada
SINO NGA BA SI JUAN PONCE ENRILE?
Ipinanganak si Enrile sa Gonzaga, Cagayan noong Pebrero 14, 1924. Nasa ilalim pa ng Amerika ang Pilipinas at hindi pa ganap na republika. Anak siya nina Alfonso Ponce Enrile at Petra Furugganan.
Noong 1953, natapos niya ang Bachelor of Laws sa University of the Philippines na may karangalang salutatorian at cum laude.
Kaya hindi nakapagtataka na noong sumunod na taon ay nanumpa rin siya bilang kasapi ng Philippine Bar. Naiposisyon niya ang sarili sa ika-11 pwesto ng mga successful candidate na may rating 91.72%.
Sa Harvard Law School naman niya kinuha ang Master of Laws degree niya noong 1955 na nakasentro sa taxation at corporate reorganization.
Sa mga sumunod pang taon, patuloy na nagsanay si Enrile ng pag-aabogado at nagturo pa sa Far Eastern University (FEU).
Dahil sa mga nabanggit na kredibilidad, napasok niya ang mundo ng politika. Pinagkatiwalaan siya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. bilang finance secretary mula 1966 hanggang 1968.
At nang muling manalo ang dating presidente sa ikalawang pagkakataon, iniluklok naman siyang justice secretary at defense minister.
Malaki rin ang papel na ginampanan niya sa Batas Militar noong Setyembre 21, 1972. Dahil ang umano’y pekeng pag-ambush sa kaniya sa Wack Wack Subdivision sa Mandaluyong ang nagsilbing dahilan umano para maipatupad ito ni Marcos, Sr. sa buong bansa.
Ayon sa tala ng Amnesty International, isang human rights group, sumampa sa mahigit 50,000 katao ang inaresto at ikinulong mula 1972 hanggang 1975. Mahigit 34,000 ang tinorture at mahigit 3,000 rin ang pinatay.
Kalaunan, sa isang vlog noong 2018 kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay itinanggi ni Enrile ang mga talang ito.
"Name me one person that was arrested because of political or religious belief during that period. None," saad niya.
Isa sa mga highlight ng political career ni Enrile ay nang maging Senate President siya ng dalawang beses sa ilalim ng magkasunod na administrasyon.
Una siyang nagsilbing Senate President sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula 2008 hanggang 2010 at nagpatuloy sa ilalim ni dating Pangulong Benigno Aquino III mula 2010 hanggang 2013.
Matapos ang limang dekada, naabutan pa niya ang pagkapanalo ng anak ni dating pangulong Marcos na si Bongbong. Sa katunayan, nanumpa pa siyang chief presidential legal counsel nito noong Hulyo 26, 2022 sa edad na 98.