Hinamon ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV si Sen. Bong Go na magsampa rin daw siya ng kaso “kung totoong” may nalalaman itong baho tungkol sa kaniya.
Ayon sa naging panayam ng Frontline Sa Umaga kay Trillanes nitong Miyerkules, Oktubre 22, nagawa niyang balikan ang naging galit umano sa kaniya nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Go noon.
“Anim na taong naging Presidente si Duterte. Gigil na gigil sila sa akin. Hinimay nila lahat ng puwedeng himayin [tungkol sa akin], wala po silang nakita—wala nga silang na-file na kaso,” pagsisimula ni Trillanes.
Nagawa pang hamunin ni Trillanes si Go na magsampa raw ng kaso ang senador laban sa kaniya kung may nalalaman itong “baho.”
“Siya ‘yong senador ngayon [si Bong Go],kung mayroon kang alam na ginawa kong mali, kasuhan mo rin ako,” saad ni Trillanes.
“Pero diversionary tactic po niya ‘yan,” pahabol pa niya.
Nilinaw rin ni Trillanes ang dahilan ng kaniyang pagsasampa ng kaso kina FPRRD, Go, tatay at kapatid ng senador.
“Bakit sila ‘yong ni-file-lan ko? Kasi precisely, sila ‘yong contractor. Si Bong Go, sa mukha no’ng tatay niya, CLTG nga ‘yong pangalan ng kompanya ng tatay niya, siya ‘yon—tapos ‘yong kapatid niya,” paliwanag ni Trillanes.
Ani Trillanes, may kaugnayan daw ang mga nabanggit mula pa noong 2007 hanggang sa lumago umano ang kanilang “modus.”
“Sila ang mga original nito. Nagsimula sila [sa] Davao [noong] 2007, ganoon ‘yong modus. Tapos no’ng naging presidente na siya [FPRRD], siya ang nagtalaga dito kay Usec. Bernardo na nasa gitna ngayon nitong buong sindikato na ‘to[...]”
“Tapos itong si Discaya, siya rin ang nagpalaki. Batay mismo sa statement ni Mayor Vico Sotto, ang nasa likod ni Discaya [ay] si Bong Go,” pagdidiin ng dating senador.
“Siya ang mastermind kaya talagang siya ang dapat unang makasuhan dito,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nagsampa ng kaso sa tanggapan ng Ombudsman si Trillanes laban kina FPRRD, kay Go at gayundin sa ama at kapatid niya noong Martes, Oktubre 21.
MAKI-BALITA: Sonny Trillanes kinasuhan ng plunder si FPRRD, Bong Go, 2 iba pa
Ayon sa mga ulat, may kinalaman umano ang reklamo ni Trillanes sa kaugnayan nina Go at Duterte sa bilyong pisong imprastruktura na ignawad sa CLTG Builders at Alfrego Builders na pag-aari ng ama at kapatid ng senador.
Dagdag pa rito, ang relasyon umano ni Go sa dating pangulo ang nagsilbing daan para maibigay sa dalawang binanggit na construction firm ang proyektong nagkakahalaga ng ₱7 bilyon.
MAKI-BALITA: 'I hope that Ombudsman will be fair:' Sen. Go, handang harapin kasong isinampa sa kaniya ni Trillanes
Mc Vincent Mirabuna/Balita