Naglabas ng "resibo" ang broadcast journalist na si Anthony Taberna hinggil sa naisiwalat niyang may insertions o amyenda rin si Sen. Risa Hontiveros sa national budget, batay sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
Matatandaang itinanggi na ni Hontiveros ang nabanggit na alegasyon sa kaniyang Facebook post noong Biyernes, Oktubre 3.
“Wala po akong bicam insertions. Wala sa unprogrammed funds. PERIOD. Isa pa, HINDI AKO PUMIRMA sa bicam at bumoto rin ng NO sa kontrobersyal na 2025 budget,” saad ni Hontiveros.
Mula ito sa nabanggit na Taberna na ilang mga senador na umano'y may insertion sa national budget na inihanda ng bicam kamakailan.
"Sabi ni Ping, HALOS LAHAT ng senador, may insertions."
"Sabi ni JV, LAHAT ng senador may insertions."
"Sabi ni Risa, WALA akong insertion!" mababasa sa Facebook post ni Taberna, Sabado, Oktubre 4.
Photo courtesy: Screenshot from Anthony Taberna/FB
Kaya naman hinikayat ng senadora ang publiko na huwag maniwala sa mga pekeng balita at maling impormasyon.
KAUGNAY NA BALITA: Hontiveros, nilinaw na wala siyang bicam insertions
Sa isinagawang Facebook Live ni Taberna nitong Sabado, Oktubre 4, nagpakita ng "resibo" si Taberna patungkol sa mga impormasyong ibinahagi nila ng co-host na si Gerry Baja sa programang "Dos Por Dos."
Nagsagawa ng Live si Taberna dahil naba-bash na raw pati ang misis niya gayundin ang anak nilang cancer survivor, fans at supporters ng senadora.
"insertion ni Senator Risa Hontiveros. Meron Resibo!" mababasa sa caption ng post ni Taberna.
Sa Live na isinagawa ni Taberna, sinabi niyang wala naman daw masama sa "insertions" na tinatawag ding amendment, dahil hangga't walang senador o kongresistang pinagbabawalang gawin ito, ito ay legal.
Nagiging "ilegal" o masama lamang daw ang insertion kapag "nakikialam" ang senador o congressman sa implementasyon nito, kung nakikialam sa pagpili ng contractor, at kung sila ay tumatanggap ng kickback o komisyon mula sa kaniyang insertion.
"Kaya 'yong reaksiyon ni Sen. Risa Hontiveros, medyo nakakagulat, bakit ba gano'n? Masama ba ang amendment per se? Hindi po. Kaya nakakagulat po na sasabihin niyang fake news ang atin pong sinabi o ipinahayag," saad pa ng broadcaster.
Ang pinagbatayan naman daw ng sinabi ni Taberna ay ang naging pahayag ni Senate President Pro Tempore at chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na si Sen. Panfilo Lacson na halos lahat ng senador ng 19th Congress ay may insertion, na papalo sa halos ₱100 bilyon sa 2025 GAA.
Maaaring kaya raw tila pumapalag ang mga senador kaugnay rito ay dahil nga sa pagkakasangkot ng ilang mga senador sa umano'y kickback at komisyon sa maanomalyang flood control projects, na mainit na pinag-uusapan sa kasalukuyan.
"Uulit-ulitin ko po ito ha, wala pong masama sa amendment insertion per se," anang Taberna.
Sumunod, ipinakita naman ni Taberna ang isang clip mula sa naging portion ng naging usapan nila ng co-host, patungkol sa napag-usapan nilang mga senador na may insertions sa budget.
Pagkatapos naman, nagpakita ng ilang dokumento si Taberna na umano'y nagpapatunay na may insertion si Hontiveros para sa construction ng iba't ibang imprastraktura, at naka-highlight pa ang "Construction of Sinili Flood Control Structure, Section 3, sa Barangay Sinili, Santiago City, Isabela" na umano'y may halagang ₱100,000,000.
Photo courtesy: Screenshot from Anthony Taberna/FB
Isa pa sa mga na-highlight sa dokumento ang "Construction of Flood Control Structure along Sawaga River, Linabo Bridge Section, Brgy. Violeta, Violeta, Malaybalay, Bukidnon na umano'y may halagang ₱200,000,000.
Photo courtesy: Screenshot from Anthony Taberna/FB
Ilan pang umano'y flood control structures ang naroon sa nabanggit na dokumento sa Tarlac, na may halagang ₱75,000,000.
Photo courtesy: Screenshot from Anthony Taberna/FB
Bukod dito, may tatlong proyekto din umanong "sea wall" ang senadora sa Sorsogon na may budget na ₱40,000,000 at ₱20,000,000.
Ang nabanggit na dokumento umano ay record mula mismo sa Senado.
Sa kabuuan umano, ang total ng lahat ng proyekto ni Hontiveros ay nasa ₱3,035,800,000.
Giit naman ni Taberna, tatanungin muna nila ang tanggapan ni Hontiveros dahil baka hindi raw niya alam ang tungkol dito.
"Itinatanggi po ba ninyo na sa inyo ito?" untag pa ni Taberna.
Sa kabuuan naman ng Live ni Taberna, iginiit naman niyang lahat daw ng mga proyekto naman ng senador ay magaganda.
Pagdidiin pa ni Taberna, hindi raw sila nagpapalaganap ng "fake news" dahil nakabatay raw sa dokumentong record mula sa Senado ang inilahad at tinalakay nila ni Baja sa programa nila.
Samantala, wala pang direktang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Hontiveros tungkol sa mga inilahad ni Taberna, bagama't naglabas ulit ng Facebook post ang senadora tungkol sa isyu ng budget insertions.
Photo courtesy: Screenshot from Risa Hontiveros/FB
"Lahat ng iminungkahi kong amyenda sa budget ay dumaan sa tamang proseso at inaprubahan ng Senado!"
"WALA PO AKONG BICAM INSERTION," pagdidiin ni Hontiveros sa kaniyang post nitong Sabado, Oktubre 4.