Binigyang-linaw ni National Security Adviser Gen. Eduardo Año na hindi raw magagawang atakihin ng bansang Iran ang mga Enhanced Defence Cooperation Agreement (EDCA) sites na nakalokasyon sa loob ng Pilipinas.
Ayon sa naging panayam ng media kay Año nitong Miyerkules, Marso 11, 2026, pinaliwanag niyang hindi naman daw nanganganib ang seguridad ng bansa dahil hindi raw sangkot ang Pilipinas sa sigalot na nagaganap sa Middle East.
“On the national security, sa ngayon, dahil hindi naman tayo partido sa nangyayari [sa Middle East] ay hindi naman tayo madadamay diyan,” pagsisimula niya.
Paglilinaw ni Año tungkol sa EDCA sites sa bansa, hindi naman daw ito base mga base ng militar ng Estados Unidos at ginagamit daw itong kampo ng Armed Forces of the Philippines.
“‘Yong sinasabi nila, ‘yong ating EDCA sites, hindi naman ‘yan US base. Ito ay kampo pa rin ng Armed Forces of the Philippines,” saad niya.
Ani Año, nabibigyan lang daw ng pahintulot ang US na gamitin ang EDCA sites sa bansa kapag may gagawin silang exercises at kailangang maghabilin ng kanilang mga gamit.
“Binibigyan lang ng access ang US kapag meron tayong mga exercises. ‘Yong mga gamit nila, logistics, at saka nagro-rotate ‘yong mga personnel nila na nagpa-participate sa mga balikatan exercises,” aniya.
Dagdag pa niya, “Mahirap naman kung pagkatapos ng exercise, ‘yong mga simpleng gamit [ng US] iuuwi pa, e, sa susunod na buwan o taon, meron na namang exercise na gagawin. Mas maganda na nandiyan lang sila.”
Pagpapatuloy ni Año, hindi rin daw maaaring umabot sa Pilipinas ang mga missiles ng Iran dahil hanggang 2,500 na kilometro lang daw ang kaya ilayo nito, samantalang 7,243 kilometro ang layo ng Pilipinas sa nasabing bansa.
“Sinabi nila, ‘Baka tayo paulanan ng missiles.’ Hindi ‘yan pupuwedeng manyari kasi tayo 7,243 kilometers from Iran. ‘Yong ginagamit na missiles ng Iran hanggang 2,500 kilometers,” ‘ika niya.
“‘Yong mga inieksperimento nila na aabot sa 4,000 kilometers ay hindi pa rin ‘yon nape-perfect,” diin pa niya.
Pagtitiyak ni Año, wala raw dapat na ikatakot ang mga Pilipino bagkus mas kailangan daw nilang magtulong-tulong upang hindi lubhang mahirapan sa mga epekto ng giyera sa Middle East.
“Wala dapat ipag-alala ang ating mga kababayan. Ang kailangan natin, magtulong-tulong para medyo hindi tayo mahirapan. Kasi nga ‘yong epekto ng ekonomiya,” anang national security adviser.
“Syempre ang unang iniisip din natin, ang kaligtasan ng ating mga OFW sa Middle East,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: EDCA sites sa Pilipinas, 'di target ng Iran laban sa US—DND
KAUGNAY NA BALITA: AFP, pinag-iingat publiko sa mga maling impormasyon tungkol sa EDCA sites