April 13, 2026

Home BALITA Metro

Grade 10 student, nagpatiwakal umano sa covered court ng eskwelahan

Grade 10 student, nagpatiwakal umano sa covered court ng eskwelahan

Natagpuang wala nang buhay ang isang 16-anyos na Grade 10 student matapos umano itong makitang nakabitin sa ikaapat na palapag ng covered basketball court ng isang paaralan sa Barangay South Signal, Taguig City, noong Marso 9, 2026.

Ayon sa ulat, bandang 6:30 ng umaga nang madiskubre ng guwardiya ang katawan ng estudyante sa bahagi ng bleachers ng covered court ng Kapitan Jose Cardones Integrated School sa naturang barangay.

Agad itong iniulat sa Taguig City Police Sub-station 6 na mabilis namang rumesponde sa insidente. Nang suriin, kinumpirma ng mga awtoridad na wala nang buhay ang binatilyo.

Nagpahayag naman ng matinding lungkot ang pamahalaang lungsod ng Taguig sa nangyaring insidente. Nagpaabot din sila ng pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan, kaklase, at sa buong komunidad ng paaralan na naapektuhan ng pangyayari.

Tiniyak din ng mga opisyal ng lungsod na magbibigay ng kinakailangang tulong at suporta sa mga naiwang mahal sa buhay ng estudyante.

Metro

Nasunog na landfill sa Navotas, 'di pagmamay-ari ng LGU—CDRRMO

Naglabas din ng pahayag ang Department of Education (DepEd) upang ipahayag ang pakikiramay nito sa naulilang pamilya at sa komunidad ng paaralan. Ayon sa ahensya, agad nang pinakilos ang mental health crisis response team upang magbigay ng suporta sa mga mag-aaral, guro, at mga kawani ng paaralan.

Ilang opisyal din ng DepEd ang personal na nagtungo sa paaralan upang tiyakin na maibibigay ang agarang tulong sa mga apektado ng insidente.

Samantala, patuloy na nakikipag-ugnayan ang Schools Division Office ng Taguig City at Pateros sa lokal na pamahalaan at sa DepEd Central Office upang maipatupad ang mga intervention program, kabilang ang psychological first aid para sa mga estudyante, guro, at non-teaching personnel ng paaralan.

Hinihikayat din ng DepEd ang publiko na igalang ang privacy ng pamilya ng estudyante at ng buong komunidad ng paaralan habang nagpapatuloy ang pagbibigay ng suporta.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang dahilan at iba pang detalye sa likod ng insidente, habang wala pang inilalabas na karagdagang impormasyon ang mga awtoridad kaugnay sa pagkamatay ng estudyante.