Kinumpirma ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez na nakipagdayalogo na ang kanilang ahensya sa mga toll operators hinggil sa usapin ng discount sa gitna ng pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Marso 10, nilinaw ni Sec. Lopez na sakop ng naturang discount ang mga bus at truck na may karga-kargang agricultural products at essential goods.
“Nakipag-usap tayo sa toll operators, inuna natin ‘yong sinasabi nating Class 3, ‘yong mga buses, mga trucks na bumibiyahe na may agri products, essential goods…and we asked them to give a discount,” saad ni Lopez.
Aniya, “Malaking tulong na po ‘yon. Kung ang isang bus ay araw-araw na bumibiyahe, at ang konsumo nito is ₱100, makakatipid siya ng ₱7,000, at least as part of the discount.”
Sa parehong press briefing, inihayag naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na sisimulan na sa Martes, sa susunod na linggo, ang rollout ng ₱5,000 financial assistance ng pamahalaan para sa mga sektor na labis na apektado ng pagtaas ng presyo ng krudo.
“So, ang napagkasunduan namin ng mga alkalde ng Metro Manila at later on, sa buong bansa, ay by Tuesday next week, sisimulan na natin ‘yong pagbigay ng tulong-pinansyal na naghahalaga sa ₱5,000 sa mga apektadong sektor na nabanggit ho namin,” saad ni Sec. Gatchalian.
MAKI-BALITA: ₱5k subsidy, ipamamahagi sa mga apektadong sektor ng pagtaas ng presyo ng krudo-Balita
Photo courtesy: RTVM/YT, MB